Ang restriksyong hatid ng lockdown dahil sa banta ng Covid19 sa Italya – mula sa pagbabawal lumabas at ang manatili lamang ng kanya-kanyang bahay hanggang sa tila biglang pagtigil ng pag-ikot ng buhay – ay nag-iwan ng malalang epekto sa iba’t ibang aspeto ng pamumuhay, partikular sa buhay ng mga imigrante lalo na sa kanilang mga hanapbuhay na bago pa man mag-lockdown ay maituturing na ‘mahina’ kumpara sa mga Italians.
Ito ay ayon sa ng Immigration Report ng Caritas Italiana at ng Migrantes Foundation.
Ayon sa survey na isinagawa ng Caritas sa panahon ng pandemya, higit na makikita ang hirap na epekto nito sa buhay ng mga dayuhan sa bansa. Ito ay higit na napatunayan sa ginawang pagsubaybay ng Caritas Italiana simula Marso, sa buong panahon ng lockdown hanggang sa simula ng kilalang ‘seconda fase’.
Napatunayan, sa pamamagitan ng 169 diocese, katumbas ng 77.5% ng Caritas Italia, na nagsilbing sample ng survey. Malinaw ang mga lumabas na datos: sa loob lamang ng higit sa 3 buwan, umabot sa 445,585 indibidwal ang natulungan ng Caritas sa iba’t ibang paraan (average ng 2,990 katao bawat diocese).
Ayon sa Caritas, ang bilang na nabanggit ay higit na mataas kumpara sa normal na sitwasyon, kung saan ang mga Centri di ascolto ng Caritas ay nakakatugon sa mga pangangailangan ng 200,000 indibidwal sa loob ng isang buong taon.