Apektado na ang pamumuhay ng maraming Ofw sa Italya sanhi ng tumitinding pinsala ng covid-19 sa bansa. Pati ang kanilang pagta-trabaho ay nanganganib na din.
Kasabay ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nag-positibo sa covid-19, at patuloy na pagpapatupad ng maraming bansa ng travel ban sa Italya, ay nagtala din ng simula ng pagbagsak ng ekonomiya ng bansa, partikular ang sektor ng turismo.
Kapansin-pansin na ang ang mga pangunahing tourist spots sa bansa tulad ng Spanish steps, Colosseum, Duomo di Milano, Venice, Florence kung saan karaniwang hindi magkamayaw ang mga turista ay mabibilang na lamang sa kamay ang mangilan-ngilang natitirang turista.
Pati na rin ang San Peter’s Square, sa kabila ng simula ng Quaresma at dapat sanay dinadagsa na ng mga mananampalatayang bumibisita ay makikitaan na rin ng malaking pagbabago.
Kinumpirma ito nina Randy at Elbert ng Kambal Group of Hotels Srls na may 9 na bed and breakfasts sa Roma. Anila, nakakabahala na dahil maraming turista na ang natatakot na ituloy ang kanilang bakasyon sa Italya at nagka-kansel ng kanilang mga booking kahit ang mga ito ay bayad na. Bukod dito, ang mga inaasahang dadating na bagong reservations para sa mga susunod na buwan ay halos wala pa rin.
“Kung hindi cancelled ang fligt ay natatakot naman mahawa ng virus. Kaya nagkakansel na din sila ng booking kahit non-refundable”, anila.
Gayunpaman, lakip ng kanilang pagsusumikap ay hiling at panalangin nila na matapos na ang problemang ito sa lalong madaling panahon.
Kaugnay nito, binibigyan na din ng ‘ferie anticipate’ o maagang bakasyon ng ilang araw ang mga kababayang nagta-trabaho sa mga malalaking hotel.
“Isa-isa kaming binigyan ng ferie dahil halos walang kaming tao sa hotel. Sunud-sunod ang cancellation ng mga naka-booked na guest”, kwento ni Boyet na nagta-trabaho sa isang 4 star Luxury hotel sa Roma.
Samantala, kung walang turista ang mga hotels ay wala ding mga kliyente ang mga souvenir at religious articles shops. Sa katunayan, nag-aalala na rin si Sherin B, isang saleslady sa Galleria di San Pietro na tuluyang maapektuhan ang kanyang trabaho sa paglala ng covid-19.
Aniya, panahon na dapat ng mga pilgrimage at pagdagsa ng maraming grupo sa pagsisimula ng Quaresima. Ngunit kabaligtaran nito ang nangyayari dahil halos walang tao ang kanilang shop halos isang linggo na.
Bagaman puno ng pag-aalala ay isang paanyaya ang ginawa ni Sherin.
“Bisitahin nyo kami sa dito sa Vatican. Samantalahin po ninyo na walang pila at maluluwag ang mga museum”.
Walang ipinagbago ang sitwasyon sa mga restaurants, bar at coffee shop sa mga pangunahing lungsod sa bansa.
“Kami, sa Manila Restaurant ay palaging puno tuwing weekends. Salamat sa presenya ng ating komunidad. Pero kapansin-pansin na kahit ang mga turistang Pilipino mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo na karaniwang hanap ay pinoy food pagdating sa Roma ay hindi mo makikita sa ngayon. Pati na rin ang mga Italians ay mas pinipili ang manatili sa kani-kanilang tahanan dahil sa covid-19 scare”, ayon kay Romulo Salvador.
Tinatayang papalo sa 90% sa buwan ng Marso ang cancellation sa mga hotel bookings, ayon sa presidente ng Federalberghi na si Giuseppe Roscioli. Aniya, marahil ay umabot mula 7 hanggang 8 buwan ang krisis na ito, na tinatayang aabot ng 2 million euros kada raw. (ni: PGA)