in

Mga paaralan sa Italya, lalahok sa Global Climate Strike bukas

Welga, sit-in at flash-mobs! Lalahukan ng libu-libong mga mag-aaral sa mga plasa ng maraming lungsod sa bansa na maituturing na isang tunay na general strike o sciopero generale.

Ito ay bilang pakikiisa sa Global Climate Strike, na ikatlong pandaigdigang welga para sa klima na nakatakda bukas, Sept. 27 ng Fridays For Future (FFF) na pinangungunahan ng kabataang si Greta Thunberg mula Sweden, matapos ang isang linggong pagkilos kasabay ng climate summit sa New York ng UN.

Ito ay nilahukan ng 150 bansa na nagsasabi na ang climate crisis ay nangangailangan ng bago at mabilisang aksyon para sa ating kapaligiran at klima.

At bukas ang Italya ay lalahok. “Ito ay magiging isang makasaysayang kaganapan, para sa mga mag-aaral at mga propesor, isang kaganapan para sa mga pamilya, isang mapayapa at hindi marahas na kaganapan. Lahat tayo ay magkakaisa para sa klima“, ayon sa FFF Italia.

Kaugnay nito, nagpahayag na si Minister of Education Fioramonti na excuse ang mga mag-aaral na lalahok sa welga.

Sa pamamagitan ng isang Circular ay ipinaliwanag ni Minister na ang mga kabataang lalahok sa welga ay kailangang gawin ang normal na excuse letter. Aniya sa unang-unang pagkakataon ay pinahihintulutan ang mga pamilya na isulat sa excuse letter na ang dahilan ng pagliban ng anak ay ang paglahok sa global strike for climate.

Layunin ng global strike na hilingin sa mga pamahalaan na baguhin ang patakaran sa kapaligiran at iwasan ang mga bagay na nagpapalala sa climate crisis at dahil dito, mula Bolzano hanggang Ragusa, ay magkakaroon ng iba’t ibang programa.

Pinakamalaki ang magiging programa sa Roma. Ito ay magsisimula sa Piazza della Repubblica 9:30 ng umaga. Pagkatapos ay magtutungo sa Piazza della Madonna di Loreto kung saan magkakaroon ng sit-in hanggang alas 2:30. May mga demonstrasyon din sa Milan (9:30 sa Largo Cairoli), Napoli (9:00 sa Piazza Garibaldi), Torino (9:30 sa Piazza Statuto), Palermo (9:00 sa Piazza Verdi), Florence (9:00 sa Piazza di Santa Maria Novella), Bologna (9:30 sa Piazza San Francesco) at marami pang iba.

Bukod sa mga mag-aaral ay lalahok din ang mga unyon para sa Global Strike For Climate. Ang USB ay nagpahayag ng isang sciopero generale ng lahat ng mga kategorya pati ang Cobas Scuola at Lavoro (maliban ang Transportasyon) ay magwewelga ang lahat ng mga empleyado.

Para sa karagdagang impormasyon, i-click lamang ang link.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Iba’t-ibang grupo sa Reggio Calabria, nagkaisa tungo sa pagkakaisa

5 taong regular na paninirahan sa bansa para sa EC long term residence permit, kailangan ba kahit ng menor de edad?