Ikalawa sa pinaka malaking komunidad ang mga Pilipino sa Bologna.
May bilang na 60,352 ang mga dayuhang residente sa Bologna sa taong 2018, katumbas ng 15.4% ng kabuuan ng populasyon.
Ang datos ay mula sa ulat ng Ufficio Statistica ng Comune di Bologna.
Sa 150 nasyunalidad sa lungsod, nangunguna sa bilang ang mga Romanians na higit sa 10,000 residente. Sinundan ng mga Pilipino na may bilang na 5,100; Bangladeshi 4,950; Pakistanis 4,160; Chinese 3,873; Ukrainians 3,787; Moroccans 3,639; Albanians 2,623 at Sri Lankans 1,370.
Salamat sa pagsilang ng mga dayuhang sanggol ay nagtala ng bahagyang pagtaas sa bilang ng mga non-Italians sa lungsod. Sa katunayan, 1 dayuhan sa bawat 4 na ipinanganak na sanggol.
Samntala, may 9,056 residente na ipinanganak sa lungsod na nananatiling dayuhan. Ito ay katumbas ng 15% ng kabuuang bilang ng mga dayuhan. Sa bilang ng second generation, nangunguna pa rin ang mga Romanians 1,462; sinundan ng Bangladeshi 994, at sa pagkakataong ito ay ikatlo ang mga Pilipino 912, Chinese at Moroccans 899.
Bolognina ang maituturing na pinaka multi ethnic na lugar kung saan 9,000 mga dayuhan ang naninirahan (26 sa bawat 100 residente); sinundan ng San Donato, 19 dayuhan sa bawat 100 residente at ang Santa Viola, 18 dayuhan sa bawat 100 residente.