Tinahak ang higit sa 500 historical, archeological at architectonical sites sa 42.195 kms ng Maratona di Roma at sa kabila ng malakas na pagbuhos ng ulan, ay 13,312 runners ang nagtapos hanggang sa finish line.
Roma, Abril 3, 2017 – Kabilang ang mga Pilipino sa 131 nasyunalidad na lumahok sa ika-23 edisyon ng Maratona di Roma kung saan nagpatala ang 16,107 (8.818 Italians at 7.289 foreigners) mga runners.
Sila ay ang mga miyembro ng Pinoy Runners Association in Milan, Bergamo Stars Atletica, SS Lazio Atletica Leggera na nagmula pa sa iba’t ibang bahagi ng Italya at bagaman nakalahok na ng ilang beses sa maratona, karamihan ay pawang mga first timer sa Maratona di Roma.
“Kami ay excited talagang makitakbo dito sa napalaking event na ito dito sa Roma. Ang Pinoy Runers ay talagang lumalaban na at masasabing kilala na rin sa larangan ng pagtakbo”, ayon kay Leopoldo Domanico, ang Sports Chairman ng Pinoy Runners.
“From Milan ay lumahok kami dito sa Roma para sa promosyon ng pagtakbo. Ang benepisyo nitong mahusay sa kalusugan bukod pa sa pakikiisa lalo na’t ang focus nating mga Pinoy sa ibang bansa ay ang mag-trabaho ng magtrabaho” ayon kay Garry Eden, ang presidente ng Pinoy Runners na nakatapos ng marathon sa oras na 5:22:49.
Sinimulan at nagtapos sa via dei Fori Imperiali ang tatlong set ng mga runners. Tinahak ang higit sa 500 historical, archeological at architectonical sites sa 42.195 kms ng marathon. At hindi alintana ang malakas na buhos ng ulan at nagtapos pa rin ng ruta ang 13,312 runners – kung saan 10,514 ang mga kalalakihan, 2,798 ang mga kababaihan; 7,399 ang mga Italyano at 5,913 naman ang mga dayuhan.
Parehong Ethiopian ang nanalo sa men at women division: si Shura Kitata Tola (02:07:28) at si Rahma Chota Tusa (02:27:21).
Kaugnay nito, lahat ng runners na nakatapos at umabot sa finish line ay binigyan ng finisher certificate.
Kaugnay nito, nasa ika-10 edisyon naman ang kumpitisyon ng mga person with disabilities sakay ng mga pinakamodernong mga handbike. Ang 42 km competition ay mayroong 72 partisipante at 31 sa kanila ang nakatapos. Isang oras at 5 segundo ang itinalang official time ng ika-pitong beses na pagwawagi na si Alex Zandardi, ang dating Formula uno racer.
Alas 9.10 naman ay sinimulan ang Stracittadina. Ito ay isang Fun-Run na bukas para sa lahat at may habang 4 na kilometro kung saan 60,000 ang mga partisipante. Unang nakarating sa finish line sina Federico Nobili, 15 anyos at Giovanna Ungania, 45 anyos.
Ang ika-23 Maratona di Roma ay opisyal na binuksan ni Mayor Virginia Raggi ng Roma.
PGA