“Child Migrants, the vulnerable and the voiceless”.
Roma, Enero 16, 2017 – Nakiisa ang mga Pilipino sa ika-103 taon ng World Day for Migrants and Refugees na ginanap sa St. Peter’s Square kahapon, Jan 15, 2017.
Sa pamamagitan ng Comunità Migranti ng Diocese of Rome ay nagtipun-tipon ang libu-libong mga migrante ng iba’t ibang nasyunalidad kabilang ang Filipino community sa pangunguna ng Santa Pudenziana Sentro Pilipino at nakiisa sa Angelus prayer ng Santo Padre na iniaalay sa mga migrante at refugees partikular sa mga menor de edad.
Sa katunayan, “Child Migrants, the vulnerable and the voiceless”, ang tema ng mahalagang mensaheng hatid ng Santo Padre kung saan hinihikayat na bigyan ng partikular na atensyon ang mga batang migrante at refugees.
Isang panawagan na alagaan ang mga menor de edad dahil ang mga ito ay tatlong beses umanong mas mahina: dahil sila ay mga bata, dayuhan at walang kakayahang ipagtanggol ang sarili. Sa iba’t ibang mga dahilan, sila ay napipilitang manirahang malayo sa sariling bansa, pamilya at mga mahal sa buhay. “Ipagdasal at tulungan natin sila”, ayon sa Santo Padre.
“At ang kanilang kamusmusan ang unang kabayaran ng migrasyon, sanhi ng karahasan, paghihirap at kundisyon ng kapaligiran at lalong lumalala dahil ito ay patuloy na nagiging isang pandaigdigang suliranin”.
Kailangan umanong magtulungan para sa proteksyon, integrasyon at mga long-term solution.
Partikular, unang unang hinihingi ng Santo Padre sa kanyang mensahe na “tiyakin ang proteksyon ng mga batang ito sa anumang paraan at parusahan ang sinumang hindi kumikilos ng sapat at epektibo laban sa mga mapanamantala upang tuluyang matigil ang iba’t ibang uri ng pang-aalipin na pangunahing biktima ay ang mga menro de edad”.
Bukod dito ay nagbigay rin ng salita ang Santo Padre para sa mga imigrante. “At para sa kabutihan ng kanilang mga anak, ang mga imigrante ay kailangang higit na makipagtulungan sa komunidad na sa kanila ay tumanggap”.