in

Misura di Inclusione Attiva, inihahanda bilang kapalit ng Reddito di Cittadinanza

Upang matugunan ang kasalukuyang kahirapan, ang gobyerno ng Italya ay naghahanda upang ilunsad ang MIA o Misura di Inclusione Attiva. Ito ang papalit sa Reddito di Cittadinanza. 

Ang MIA ay magkakaroon ng dalawang kategorya: occupabili o ang mga taong may kakayahang makapag-trabaho at ang mga mahihirap at taong walang kakayahang makapagtrabaho tulad ng mga menor de edad, over 60 at may kapansanan. 

Ang panukala ay tatalakayin sa lalong madaling panahon sa Konseho ng mga Ministro at inaasahang magiging aktibo sa Setyembre. 

Tulad ng nabanggit may dalawang kategorya na potensyal na benepisyaryo ng MIA, ayon sa ulat ng Corriere della Sera. 

Ang unang nabanggit ay ang mga occupabili o mga pamilya na ang mga miyembro ay mula 18 hanggang 60 anyos. Sila ay  tinatayang aabot sa 300,000 single-family household at 100,000 households na may maraming miyembro. Para sa kanila, ang benepisyo ay matatanggap ng mas mababa ang halaga at magkakaroon ng mas maikling validity kaysa sa RdC. Ang pinakamataas na halaga ng benepisyong matatanggap ay €375,00 at posibleng magtagal hanggang isang taon lamang. Ang kasalukuyang Reddito di Cittadinanza ay may pinakamataas na halaga ng €500,00 hanggang 18 buwan. 

Para sa ikalawang kategorya o ang mga pamilyang mahihirap o mga walang kakayahang makapag-trabaho, ay €500,00 ang pinakamababang halagang posibleng matanggap, tulad ng RdC. Ang halagang ito ay posibleng maging mas mataas at mas matagal ang panahon ng pagtanggap kumpara sa mga occupabili. 

Layunin ng subdibisyong ito na magbigay ng higit na tulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan na nahaharap sa malubhang paghihirap dahil sa kakulangan ng mga workers sa pamilya. Kasabay nito, ang paglilimita sa halaga at tagal ng pagbibigay ng tulong para sa mga pamilyang may mga taong occupabili na maaaring bigyan ng insentibo sa paghahanap ng trabaho.

Gayunpaman, ang mga pagbabagong nabanggit ay hindi pa opisyal na naaprubahan at maaaring sumailalim sa karagdagang mga pagbabago batay sa mga pagsusuri ng Ministry of Labor at ng mga concerned offices. Isang bagay ang sigurado, sinusubukan ng Gobyerno na alamin ang mga bagong estratehiya upang labanan ang kahirapan sa Italya, sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang higit na nangangailangan.

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 4.5]

Assegno Unico, awtomatiko ang renewal sa 2023

Cobra GUARDIANS ng Firenze at Pisa, sabay na nagdiwang ng anibersaryo