in

Monkeypox, dumadami ang mga kaso sa Italya. Narito ang Gabay mula sa Ministry of Health.

Sa pamamagitan ng isang Circular ay ipinapaalam ng Ministry of Health ang patuloy na pagdami ng kaso ng vaiolo delle scimmie o monkeypox sa Italya at ang posibleng pagsasailalim sa quarantine ng mga taong nagkaroon ng direct contact sa maysakit.

Ayon sa Ministry, sa huling apat na araw lamang ay 26 ang naitalang bagong kaso ng monkeypox sa Italya.  Sa kasalukuyan, may kabuuang 505 cases ng monkeypox sa bansa: 501 ang mga lalaki at 4 naman ang mga babae.

Sa buong mundo mayroong higit sa 17,000 ang naitalang mga kaso. Dahil dito, matatandaang idineklara ng WHO ang monkeypox bilang isang world health emergency noong nakaraang buwan ng Hulyo. 

Ayon sa Ministry of Health ang pagpapatupad ng quarantine ay upang mapigilan ang pagkalat ng monkeypox sa bansa. 

Gayunpaman, nagsasaad din sa Circular ang passive surveillance, para sa mga contact na may low-risk exposures. Posibleng ipatupad ang passive surveillance, self-monitoring at ipaalam ito sa family doctor. Habang ang asymptomatic contacts ay kailangan ang sapat at regular na pagbabantay sa status at maaaring magpatuloy sa pang-araw-araw na gawain tulad ng pagpasok sa trabaho at pag-aaral (hindi kailangan ang quarantine).

Narito ang Gabay mula sa Ministry of Health para sa close at direct contact ng monkeypox:

  • Iwasan ang pagdo-donate ng dugo, ng organ, ng gatas ng ina o sperms habang nasa ilalim ng panahon ng self-monitoring;
  • Kabilang sa self-monitoring ang pagko-kontrol sa lagnat (hindi bababa sa dalawang beses sa isang araw) o sa iba pang mga sintomas tulad ng pananakit ng ulo, pananakit ng likod, lymphadenopathy, o pantal sa balat na hindi alam ang dahilan sa loob ng 21 araw ng huling direct contact;
  • Ipinapayo na iwasan muna ang pakikipagtalik sa loob ng 21 araw pagkatapos ng huling direct contact;
  • Panatilihing malinis at hugasan nang madalas ang mga kamay at takpan ang bibig at ilong sa pagbahin o pag-ubo, gamit ang mga disposable tissue at itapon ito nang tama;
  • Iwasan ang pakikipag-ugnayan sa mga taong immunocompromised, mga batang wala pang 12 taong gulang at mga buntis na kababaihan sa loob ng 21 araw pagkatapos ng huling direct contact;
  • Iwasan ang malapit at direktang ugnayan sa mga hayop, kabilang ang mga pet, sa loob ng 21 araw pagkatapos ng huling direct contact;

Ang vaccination campaign laban sa monkeypox ay inaasahang magsisimula din sa Italya sa lalong madaling panahon. Pagkatapos ng unang dosis ay ibibigay ang booster shot pagkatapos ng 2-3 buwan. (PGA)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 1]

Ako ay Pilipino

Dichiarazione dei Redditi 2022, narito ang maikling gabay

Nulla osta, dapat ibigay sa lahat ng pending application ng Decreto Flussi 2021