Higit 200 kaso na ang naitala sa buong mundo ng monkeypox o vaiolo delle scimmie. Ayon sa World Health Organization (WHO) at mga eksperto, inaasahan ang pagtaas pa ng bilang dahil sa mga suspected cases. Pinapalawak na rin ang surveillance sa mga bansang hindi pa naaabot ng sakit.
Sa pagitan ng May 13 at 21, 92 cases ang kumpirmado at 28 naman ang mga suspected cases ng monkeypox ang nireport sa WHO mula sa 12 bansa kung saan ang virus ay hindi endemic. Sa mga hindi endemic na bansa, ang isang kaso ay itinuturing na isang outbreak o focolaio. Noong Mayo 23, 5 iba pang mga bansa ang nag-ulat ng mga confirmed cases na nagdala sa kabuuang bilang na 17 ang mga bansa. Gayunpaman, walang nauugnay na sanhi ng pagkamatay ang naiulat sa mga bansang ito sa kasalukuyan.
Monkeypox, ang sitwasyon sa Europa
Naitala ang karagdagang 36 cases sa UK. Dahil dito umakyat sa 56 ang mga infected ng monkeypox, ayon sa UK Health Safety Agency noong Lunes. Sa Europa, umakyat na 67 ang mga kaso nito sa 11 bansa mula noong May 15: Austria, Belgium, France, Germany, Italy, Netherlands, Portugal, Czech Republic, Slovenia, Spain at Sweden. Bagaman ang numero ay nananatiling mababa, ang European Center for Disease Prevention and Control (ECDC) noong Lunes ay nagrekomenda na sa mga bansa na tumutok sa mabilis na identification, management, contact tracing at reporting ng mga bagong kaso ng monkeypox.
Ang mga sumusunod na bansa ay nag-ulat ng mga kumpirmadong kaso ng monkeypox ngayong taon: Australia, Belgium, Canada, France, Germany, Italy, Netherlands, Portugal, Spain, Sweden, United Kingdom at United States (May 13 – May 21). Habang noong May 22 at May 23, nadagdag ang mga bansang Austria, Denmark, Israel, Scotland at Switzerland.