Ang sinumang hindi pababakunahan ang anak ay manganganib ang parental authority o potestà genitoriale at maaaring multahan hanggang 7,500 euros.
Mayo 25, 2017 – Ito ang dalawang pangunahing puntos ng inaprubahang batas kamakailan ng Council of Ministries, kung saan nasasaad ang pagdadagdag mula 4 sa 12 ng mga obligatory vaccinations, at isang obligasyon mula sa susunod na school year sa pagpapatala ng mga anak sa paaralan.
Ang obligatory vaccinations ay itinakda sa mga batang may edad mula 0-6 na taong gulang. Samantala, sa obligatory school – hanggang sa ikalawang taon ng Junior High School – mula 6 hanggang 16 na taong gulang – ay mabibigat na parusa naman ang nakalaan para sa mga magulang na hindi susunod sa obligasyon. Kabilang na dito ang pagre-report ng Asl sa Juvenile Court para sa suspensyon ng parental authorities sa mga anak.
Sa apat na obligatory vaccinations (Diphtheria, tetanus, poliomyelitis at hepatitis B) ay idinagdag ang measles, mumps at rubella (ang MPR trivalent); pertussis at Heamophilus B (na ngayon ay ibinibigay kasama ng apat na obligatory sa hexavalent). Pati ang bakuna sa chickenpox at meningococcal B at C ay kabilang na sa mga obligatory.
Ang hindi pagsunod sa obligatory vaccinations ay magiging sanhi ng hindi pagtanggap sa bata sa nursery school at kindergarten. Samantala para sa obligatory school naman, paliawanag ni Health Minister Lorenzin “mula 6 hanggang 16 na taong gulang ay kailangang isumite sa school ang vaccination certificate: sa hindi pagsusumite nito, ang principal ay magre-report sa Asl, ang local health authority na tatawag sa pamilya upang gawin ang vaccination sa bata. Kung magkukulang ang magulang sa pagsunod – pagtatapos ni Minister – ay papatawan ng mabigat na parusa kabilang ang multa mula 500 hanggang 7500 euros”.
“Ito ay hindi isang emerhensya bagkus ay isang pag-aalala na dapat bigyang aksyon ng gobyerno”, ayon Premier Paolo Gentiloni.
Mula June 1 2017, ang Ministry of Health ay maglulunsad ng awareness campaign ukol sa halaga ng bakuna sa kalusugan. Gayunpaman, pangako din ng premier na mayroong ng transition period na magpapahintulot sa mga pamilya na sundin ang bagong batas.
Ang bagong batas ay sisimulang ipatupad mula sa susunod na school year, at sakamatwid ang mga batang mayroong kulang na bakuna ay kailangang gawin ito hanggang Setyembre 2017.