Ayon sa bagong DPCM, simula ngayong araw ay nahahati ang Italya sa 3 bahagi – zona rossa, arancione at gialla – batay sa sitwasyon hatid ng kasalukuyang krisis sa kalusugan. Kaugnay nito, ang mga hindi susunod sa paghihigpit ay paparusahan at nanganganib na mamultahan.
CURFEW
Ang sinumang mahuhuli na walang balidong dahilan ng paglabag sa oras ng curfew, mula 10pm hanggang 5am, ay maaaring mamultahan mula € 280,00 hanggang € 560,00 kung pauli-ulit ang paglabag.
Samantala, ang mga mayroong balidong dahilan tulad ng trabaho, kalusugan, emerhensya at pagbalik sa sariling tahanan, ay kailangang may handang autocertificazione. Gayunpaman, ang awtoridad ay mayroong mga kopya ng autocertificazione sakaling wala nito sa oras ng kontrol.
PAGSUSUOT NG MASK
Ang mask ay maaari lamang tanggalin sa oras ng pagkain at pag-inom, ng mga kliyente at pati ng mga staff ng restaurants at bar. Ang mga kliyente na hindi susunod ay maaaring multahan mula € 280 hanggang € 560. Samantala, kung isa sa mga staff ng bar o may-ari ng restaurant ang hindi susunod, bukod sa multang nabanggit ay nanganganib ng pagsasara nito hanggang limang araw.
Maaari ring bigyan ng multa ang nakatabi sa isang hindi kasama sa bahay o ‘non conviventi’ na walang suot na mask at ang sinumang hindi sumusunod sa social distance ng 1 metro at 2 metro naman sa individual sport.
QUARANTINE
Sa kaso naman ng paglabag sa quarantine, ay maaaring makulong mula 3 hanggang 18 buwan, at multa na nagkakahalaga mula € 500 hanggang €5,000. Maaaring ring patawan ng mabigat na kaso, ang delitto colposo contro la salute pubblica.
Wala namang multa sa mga rekomendasyon ng gobyerno tulad ng:
- Ang pagpunta mula sa isang Rehiyon sa zona gialla sa isa pang Rehiyon sa zona gialla;
- Ang iwasang lumabas ng bahay gamit ang publiko o pribadong sasakyan maliban na lamang para sa trabaho, kalusugan, emerhensya at paggamit ng serbisyong hindi suspendido;
Wala ring multa ang mga pagbabawal (sa kasalukuyan) tulad ng:
- Private party sa loob ng bahay;
- Pagtanggap ng bisita sa bahay na hindi miyembro ng pamilya;
- Paglambas sa 6 na katao sa isang bahay kasama ang bisita.
- At nanatiling ipinagbibilin na gumamit ng mask kung magkakaroon ng bisita. (PGA)
Basahin din:
- DPCM ng Nov 3, pirmado na!
- Anu-anong mga Rehiyon ang kabilang sa Zona Rossa, Arancione at Gialla?
- Anu-anong mga commercial activities ang mananatiling bukas sa red zone?
- Zona Gialla: Narito ang mga maaari at hindi maaaring gawin.