Tinatayang 7 milyong katao pa ang mga no vax o wala pang bakuna kontra Covid19 sa Italya. Ito ay batay sa weekly report na inilabas ng Emergency Commission sa pangunguna ni Gen. Francesco Figliuolo.
Sa bilang na 7,071,477 na mga wala pang bakuna, ang hanay ng mga bata mula 5 hanggang 11 taong gulang ang mayroong pinakamalaking bahagi: 2,453,239.
Sa pangkalahatan, ang nakakumpleto na ng vaccination cycle sa Italya ay 47,252,867 katao.
Kaugnay nito, mayroong 1,972 na mga doktor at dentista na ang kasalukuyang suspendido mula sa Register of Italian Doctors and Dentists dahil sa hindi pagsunod sa mandatory vaccination. Ito ay kumakatawan sa 0.4% ng mga nakatala na may kabuuang bilang na 467,611. Gayunpaman, ayon sa National Federation of Orders od Doctors and Dental Surgeons (FNOMCEO), mayroon umanong 33,534 (7.2% ng kabuuan) ang mga duktor ang walang Green pass. Ngunit, ayon sa presidente ng Fnomceo na si Filippo Anelli, ito ay isang rough computation lamang umano at hindi naglalarawan sa tunay na sitwasyon, dahil kasama dito, kahit ang mga hindi maaaring mabakunahan o kung sino ang dapat na ipagpaliban ang bakuna dahil sa kalusugan.
Kaugnay nito, sa pagpapatupad ng mandatory vaccination sa mga over50s na nagsimula noong nakaraang January 8, 2022, mayroong 302,878 mga over50s ang nagpabakuna kontra Covid19.
Sa ginawang pagsusuri noong January 7, 2022, mayroong bilang na 2,165,583 ang mga over50s na wala pang bakuna. Habang noong January 14 ay bumaba ang bilang sa 2,017,973.