Na-detect ang unang kaso ng bagong coronavirus variant Omicron sa Italya. Ito ay makalipas lamang ang ilang oras mula ng ianunsyo ni Health Minister Roberto Speranza ang travel ban sa 8 bansa at mas istriktong border control sa bansa.
Na-sequence ang genomes sa Sacco hospital sa Milano sa isang residente sa Caserta na nanggaling mula sa Mozambico. Ayon sa mga ulat, nasa mabuting kalagayan ang pasyente at kasalukuyang naka-quarantine pati ang kanyang buong pamilya. Ang pasyente ay bakunado ng dalawang dosis.
Ang Omicron variant na unang na-detect sa South Africa ay na-detect na din sa Botswana, Hong Kong, Israel, UK, Germany, Belgium at Czech Republic. Bukod dito, ilan sa 61 pasahero mula sa South Africa na bumalık sa Netherlands ay posibleng positibo sa bagong variant.
Bakit nababahala ang mga health authorities sa bagong Omicron variant?
Lahat ng mga virus – kabilang ang SARS-CoV-2, ang virus na sanhi ng COVID-19 – ay nagbabago sa paglipas ng panahon.
Ang bagong variant na ito ay nakatawag pansin dahil mayroon itong 30 mutations ng spike protein na ginagamit ng virus upang pumasok sa human cells, ayon sa U.K. health officials.
Doble iyon ng numero ng delta variant, at iyon ang pinagkaiba ng variant na ito mula sa original coronavirus kung saan idinesenyo ang kasalukuyang COVID vaccines.
Sinabi ng South African scientists na ang ilang mutations ay may resistance sa pag-neutralize ng antibodies at enhanced transmissibility, ngunit ang iba ay hindi pa nauunawaan, kaya ang full significance ay hindi pa malinaw.
Ang U.K. Health Security Agency Chief Medical Adviser na si Dr. Susan Hopkins ay sinabi sa BBC radio na ang ilang mutations ay hindi pa nakita dati, kaya hindi pa alam kung paano ito mag-i-interact sa iba, kaya naman ito ang nagiging pinakakumplikado na variant na nakita nila sa kasalukuyan.
Kailangan pa ng mas maraming tests upang kumpirmahin kung mas transmissible, mas nakakahawa o kayang iwasan nito ang bakuna.
Ang trabaho na iyon ay magtatagal ng ilang linggo, sinabi ni Maria van Kerkhove, ang technical lead ng World Health Organization, noong Huwebes. Samantala, ang mga bakuna ay nananatiling critical tool upang ma-contain ang virus.
Walang unusual symptoms ang naiulat kasunod ng infection mula sa B.1.1.529 variant at, tulad ng ibang variants, ang ilang indibidwal ay asymptomatic, ayon sa National Institute for Communicable DiseasesNICD ng South Africa.
Ang Omicron ay idineklara na ng World Health Organization bilang variant of concern.