in

Pagbabago sa Codice della Strada: Ipatutupad sa Italya

Noong November 29, 2024, inilathala sa Official Gazette ang bagong batas na nagbabago sa Codice della Strada o Highway Code sa Italya. Ito ay inaprubahan sa Senado noong November 20, 2024. Ang batas ay magkakabisa sa December 14, 2024 makalipas ang 15 araw. Narito ang mga nilalaman.

Ang ilang probisyon ng bagong Codice della Strada ay agad na ipapatupad habang ang iba ay nangangailangan ng implementing rules and regulations (IRR), tulad ng pagpaparehistro ng plaka at pagsusuot ng helmet para sa mga e-scooter. Ang Pamahalaan ay may 12 buwan upang gawin ang lahat ng mga kinakailangang legislative decrees.  

Layunin ng bagong batas ang mabawasan ang mataas na bilang ng mga aksidente sa kalsada na magbibigay ng kapangyarihan sa Pamahalaan na ayusin ang kasalukuyang sitwasyon.

Nangangahulugan lamang ito na ang mga motorista, lalo na sa panahon ng Pasko at Bagong Taon, ay kailangang maging mas maingat upang maiwasan ang mabigat na multa o suspensyon ng lisensya.

PAGGAMIT NG SMARTPHONE HABANG NAGMAMANEHO

Para sa mga mahuhuling nagmamaneho habang gumagamit ng smartphone, ang multa ay nasa pagitan ng €250 hanggang €1,000. Kasama rin dito ang awtomatikong suspensyon ng lisensya ng isang linggo (kung ang motorista ay may 10 o higit pang puntos sa lisensya), na maaaring umabot hanggang 15 araw kung ang puntos ay mas mababa sa nasabing puntos.

Parehong patakaran ang ipatutupad para sa mga mahuhuling hindi nakasuot ng seatbelt o nagmamaneho ng pasalungat (contromano) sa nakatakdang direksyon.

Sa mga paulit-ulit na lalabag, ang multa ay tataas hanggang €1,400, at ang suspensyon ng lisensya ay maaaring umabot ng tatlong buwan, dagdag pa ang bawas na 8 hanggang 10 puntos. Kung ang paggamit ng telepono habang nagmamaneho ang magiging sanhi ng aksidente, doble ang haba ng suspensyon.

ALAK at DROGA HABANG NAGMAMANEHO

Mas pinahigpit ang mga patakaran para sa mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot o alak habang nagmamaneho. Kapag nag-positibo sa drug at alcohol test, awtomatikong babawiin ang lisensya at magkakaroon ng suspensyon ng tatlong taon. Para sa mga paulit-ulit na nahuhuli, ay ipatutupad ang paggamit ng alcolock, isang aparato na pipigil sa pag-andar ng makina kung may makikita itong kahit kaunting alak.

  • BAC 0.5-0.8 g/L: Multa na €573-€2,170 at suspensyon ng lisensya ng 3-6 buwan.
  • BAC 0.8-1.5 g/L: Kombinasyon ng pagkakakulong (hanggang 6 buwan) at multa (€800-€3,200), pati na ang suspensyon ng lisensya ng 6 buwan hanggang 1 taon.
  • BAC higit sa 1.5 g/L: Mas mabigat na parusa: pagkakakulong ng 6-12 buwan, multa na €1,500-€6,000, at suspensyon ng lisensya ng 1-2 taon.

REGULASYON PARA SA MGA BAGONG LISENSYADO (NEOPATENTATI)

Para sa mga bagong lisensyado o neopatentati ay ipatutupad ang 0 alcohol sa loob ng tatlong taon. May limitasyon din sa lakas ng sasakyan:

  • Vehicles with power exceeding 75 kW/t.
  • Vehicles with a maximum power output of 105 kW.

OVERSPEEDING

Para sa overspeeding, mas mahigpit ang mga bagong patakaran:

  • Lagpas ng 10-40 km/h sa speed limit: Multa mula €173-€694.
  • Dalawang beses sa loob ng isang taon sa urban area: Fine na €220-€880, at suspensyon ng lisensya ng 15-30 araw.

PAG-ABANDONA NG MGA HAYOP

Ang mga mag-iiwan ng hayop sa kalsada ay papatawan ng suspensyon o revocation ng lisensya (6 buwan hanggang 1 taon). Kapag nagdulot ito ng aksidente na may nasawi o nasaktan, ang parusa ay pagkakakulong ng hanggang 7 taon.

BISIKLETA AT MONOPATTINI (E-SCOOTER)

Kailangang panatilihin ang 1.5 metrong distansya kapag mag-o-overtake ng bisikleta. Para sa mga e-scooter, ipinagbabawal ang pagmamaneho nang pasalungat (contromano) sa trapiko at ang bilis ay limitado sa 50 km/h. Kinakailangan ding magkaroon ng registration ng plate number at helmet.

MAS MABIGAT NA PARUSA SA MALING PAGPAPARADA

  • Pagparada sa reserved spaces: Multa na €165-€330 para sa mga regular na sasakyan.
  • Pagparada sa PWD reserved spaces: Ang multa para sa mga scooter ay tataas mula €80 hanggang €165.

EDUKASYON SA MGA PAARALAN

Ang mga extracurricular courses in road safety ay maaaring magbigay ng 2 dagdag na puntos sa lisensya ng mga kabataan.

Ang mga bagong regulasyon na ito ay naglalayong mapabuti ang kaligtasan sa kalsada at disiplina ng mga motorista.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bonus Natale 2024: Narito ang sample Application Form

Mga Pagbabago sa Decreto Flussi at Ricongiungimento Familiare, Inaprubahan!