Linawin sa pamamagitan ng isang Circular o angkop na FAQ ang ukol sa pansamantalang paglabas ng bansang Italya ng mga dayuhang nag-aplay para sa Emersione o Regularization na makalipas ang dalawang taon ay naghihintay pa din ng issuance ng permesso di soggiorno.
Ito ang kahilingan ng Assindatcolf, ang National Association of Domestic Employers, sa Gobyerno at sa Ministry of Interior.
Ito ay matapos makatanggap ng mga katanungan at reklamo mula sa mga colf ang asosasyong nabanggit nitong mga nakaraang buwan dahil sa tagal ng proseso ng mga aplikasyon. Dumadami na rin ang humihingi na tulong dahil sa tumitinding tensyon sa Ukraine, ngunit hindi makalabas ng Italya ang mga aplikante ng Regularization.
Batay sa interpretasyon ng mga probisyon na napapaloob sa artikulo 103 ng Legislative Decree 34, na noong nakaraang 2020 ay nagpahintulot sa regularisasyon sa higit sa 200,000 workers, kung saan 85% ay mga colf o domestic sector, at naghihintay pa rin hanggang sa kasalukuyan ng permesso di soggiorno, ay hindi maaaring lumabas ng bansang Italya sa panganib na mapawalang-bisa sa aplikasyon. (Source: Assindatcolf)