Nagbigay na ng go signal ang Comitato Tecnico Scientifico o CTS sa pagtatanggal ng obligasyong magsuot ng mask simula June 28 sa Italya.
Naniniwala ang CTS na ang sitwasyon kung saan ang lahat ng mga Rehiyon ay nasa low risk zone o zona bianca (simula sa susunod na linggo) ay angkop na kundisyon upang tanggalin ang obligasyon sa paggamit ng mask sa outdoor, maliban sa ilang kundisyon.
Simula June 28 ay tatanggalin ng Italya ang obligasyon sa pagsusuot ng mask sa outdoor ngunit kailangang sumunod sa mga kundisyong itinalaga ng CTS”.
ayon sa isang post ni Health Minister Roberto Speranza sa social media.
Kundisyon ng CTS sa pagtatanggal ng mask simula June 28
Gayunpaman, ayon sa mga dalubhasa ng CTS ay kailangan pa ring magdala ng mask tuwing lalabas ng bahay at samakatwid ay kailangan pa ring isuot ang mask sa mga lugar kung saan hindi masusunod ang social distancing, kahit ito sa outdoor tulad ng mga palengke o public market. Halimbawa rin, ay ang kasalukuyang Europei di Calcio, kung saan sa mga stadium ay obligadong pumasok ng naka-mask at mayroong Green Pass. Ito ay kailangang suot din kahit nakaupo sa mga stadium, dahil hindi garantisado ang social distancing. Ito ay ipatutupad din sa mga konsyerto at mga public events.
Tandaan na nananatiling obligado ang paggamit ng mask sa indoor. Kailangan pa ring patuloy na magsuot ng mask sa lahat ng mga health facilities at mga public transportation, sa mga malls o shops at mga supermarket at lahat ng mga public offices.
Bukod dito, ang mask ay kailangang patuloy na isuot o gamitin ng mga itinuturing na fragili at immunodepressi, pati na rin ang mga taong nakapaligid sa kanila.
Bukod dito ay patuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga health protocols na itinalaga para sa seguridad ng lahat.
Ang opinyon ng CTS na nagpapahintulot sa pagtatanggal ng obligasyong magsuot ng mask ay tuluyang ipatutupad sa pamamagitan ng isang dekreto ng Presidente ng Konseho ng mga Ministro Mario Draghi. (PGA)