Patuloy na nagsasagawa ng mga sistematikong operasyon ang Guardia di Finanza upang matukoy ang mga domestic workers na hindi nagbabayad ng buwis.
Sa pamamagitan ng masusing pagsusuri at pagtutugma ng mga impormasyon mula sa iba’t ibang database na ginagamit ng Guardia di Finanza, matatandaang natukoy ng awtoridad ang 21 domestic worker na hindi nagbayad ng kanilang buwis ilang taon na ang nakakalipas.
Natuklasan ng awtoridad na wasto ang kondisyon ng kanilang employment contract at pagbabayad ng social security o Inps ng kanilang employer, ngunit sa kabila nito natuklasang hindi sila nagsumite ng taunang ‘Dichiarazione dei Redditi’ mula 2016 hanggang 2022. Ito ay isang paglabag dahil ang kanilang taunang kita ay lampas sa tinatawag na “no tax salary” at obligadong gawin ang tax declaration ayon sa batas ng Italya. Dahil dito, isinangguni ito sa mga kinauukulang tanggapan ng Agenzia delle Entrate upang pabayaran ang naaangkop na buwis.
Sa kasamaang palad, pangunahing sangkop sa nasabing kaso ng hindi pagbabayad ng buwis ang mga manggagawang Pilipino, at may ilan ring Romanian, Albanian, Bulgarian, at Moldovan.
Sa kabila ng mga paglabag na natuklasan, ang operasyon ay nagdulot ng positibong epekto ng pagsunod sa batas. Karamihan ng mga indibidwal na binabantayan ng kampanyang ito ng Guardia di Finanza, ay nagsimula ng gumawa ng ‘Dichiarazione dei Redditi’ na nagtatalaga ng halaga ng buwis na dapat bayaran.
Bukod dito, marami din ang mga boluntaryong nagbayad ng kanilang buwis para sa mga nagdaang taon at multa bago pa man maglabas ng opisyal na komunikasyon ang Agenzia delle Entrate.
Basahin din:
- Colf at caregivers, timbog ng Guardia di Finanza sa hindi pagbabayad ng buwis
- Tax evasion ng mga colf, paano kinokontrol?