in

Pastoral visit ng Santo Padre sa Milan, dinaluhan ng higit sa isang milyong katao

“Ang Simbahan ay walang limitasyon at kailangang puntahan ang lahat, kahit sa malalayo, kahit hindi mananampalataya at hindi kristiyano”, Santo Padre sa Milan.

 

Milan, Marso 27, 2017 – Minarkahan ng masaya at makabuluhang pagsalubong ang pastoral visit ni Pope Francis sa Milan noong nakaraang Sabado, March 25. Ito ay ang kanyang unang pagbisita sa lungsod mula ng maging ganap na pope ng taon 2013.

Ang one-day pastoral visit ng Santo Padre ay puno ng paghahasik ng pananampalataya. “Ang Simbahan ay walang limitasyon at kailangang puntahan ang lahat, kahit sa malalayo, kahit hindi mananampalataya at hindi kristiyano”, aniya sa kanyang pagdating sa lungsod.

Matapos salubungin ni Cardinal Angelo Scola, ang Archbishop ng Milan ay nagtungo sa Case Bianche kung saan nakapiling ang libu-libong mga bata at binisita ang dalawang migrant families. Ang Case Bianche ay mga malalaking housing projects kung saan makikita ang matinding social distress na tila nalimutan pati ng institusyon.

Samantala, sa Duomo plaza ay mahigpit ang seguridad sa pagpasok ng mga taong gustong makita at umaasang makadaup-palad ang Santo Padre. Abala din ang mga volunteers sa kaayusan ng pagpasok ng mga tao mula sa cathedral grounds hanggang sa loob ng Duomo, kabilang na dito ang mahigit 300 Pinoy volunteers at isa na dito si Evangelyn Panganiban na sa unang pagkakataon ay nakita ng personal ang Santo Papa. “Gusto kong makapagbigay-serbisyo at mag-guide sa mga tao na gustong makita ang Papa”, ayon kay Evangeline.

Samantala, nang malaman naman ni Mel na darating ang Pope sa Milan ay nagkusang-loob na mag-volunteered para mag-serbisyo kay Pope Francis.

Maliban sa ilang daang volunteers na mga Pilipino, ay marami rin ang mga nagtungo at naglaan ng kanilang araw at panahon upang saksihan ang malaking pagdiriwang na ito ng mundo ng mga katoliko at maaga pa lamang ay nagtungo na sa sentro ng Milan upang kumuha ng magandang puwesto at makita ng malapitan ang Santo Papa.

Bilang katoliko, masaya kami dahil si Pope Francesco ang mismo pumunta sa Milan para i-share ang spirit and love for God, we’re so blessed and happy”, ayon kay Donna na sa unang pagkakataon ay makikita ng personal ang Santo Papa.

Daan-daang mga pari at madre naman na buhat sa iba’t ibang siyudad at probinsiya ng Italya ang naghintay sa loob ng simbahan kasama rin ang  mga person with disabilities ay matiyagang naghintay sa mensaheng dala ng Papa: “Huwag tayong matakot sa hamon:ilang beses na tayong nakarinig ng maraming reklamo sa panahon ngayon, ngunit hindi tayo dapat panghinaan ng loob”.

Samantala sa labas naman ay nagdiwang ang mga deboto habang naghihintay sa pamamagitan ng pag-awit ng mga religious songs.

Matapos pangunahan ang pananalangin ng Angelus sa Duomo plaza ay nagtungo ang Santo Padre sa kulungan sa San Vittore kung saan 900 mga preso ang nanabik sa kanyang pagbisita at 100 sa mga ito ay kanyang nakasama sa tanghalian.

Makapanindig balahibo ang kapal ng taong naghintay at nanabik kay Pope Francis sa Monza kung saan nakatakdang pangunahan ang banal na misa.

Nasasamantala ang mga mahihirap, mga migrante at mga kabataan”: ito ang panawagan sa Monza park kung saan halos isang milyon ang mga mananampalatayang gamit ang mga scarf at banner ay sinalubong si Pope Francis. Sa lugar na nabanggit ay namataan din ang daan-daang mga Pilipino upang doon ay makiisa sa misa ng Santo Padre. Ang Monza ay isang lugar na malayo sa kabihasnan ngunit hindi ito inalintana ng halos isang milyong katao.

Sa huling bahagi ng kanyang pastoral visit ay tinatayang humigit kumulang na 90,000 ang mga kabataan at kanilang mga pamilya at mga cathechists ang naghihintay sa San Siro Stadium.

Mainit ang ginawang pagsalubong sa Santo Padre at sabay ang pagsigaw: Francesco! Francesco! Tulad ng isang tanyag na rock star! Dito ay maraming tema ang kanyang tinalakay at sinagot na mga katanungan. “Kausapin ninyo ang inyong mga grandparents, makipaglaro sa inyong mga kaibigan at magtungo sa oratory: kayo ay lalago sa pamamagitan ng 3 bagay na ito!“. Dito ay pinaunlakan siya ng mga maikling programa bago tuluyang binasbasan ang mga ito.

Puno ng pagpapala at mapayapang nagtapos ang pastoral visit at walang naganap na anumang insidente mula sa kanyang pagdating hanggang sa kanyang pagbalik sa Roma.

larawan ni: Chet de Castro Valencia

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Trattati di Roma, narito ang mga lugar na pansamantalang sarado sa trapiko

POLO Milan, nagpalabas ng mahahalagang paalala ukol sa Decreto Flussi 2017