Dumarami ang bilang ng mga Pilipinong nag-aaplay ng Asilo Politico sa Italya. Batay sa bilang na nakapanayam ng Ako ay Pilipino at OFW Watch News and Stories, 5 Pinoy ang nabiktima ng ganitong modus operandi. Nangyari ang panloloko sa syudad ng Prato at Latina sa Roma.
Ayon sa mga nakapanayam, pinapangakuan na sa loob ng 6 na buwan, ang istatus bilang refugee (nagkakanlong) na ipinasok sa tanggapan Commissione ay mapapalitan diumano ng Lavoro Subordinato o isang regular na Permesso di Soggiorno.
Umaabot sa € 2,500 hanggang € 5,000 ang kinokolekta sa mga nabibiktima. Bukod pa ang 300-500 euro na bayad sa mga pansamantalang tirahan na bahagi diumano ng proseso sa pag-aaplay.
Dagdag pa ng mga biktima, pinapagawa ng salaysay ang aplikante at pinalilitaw na nasa panganib ang buhay sa bansang pinagmulan. Pinalalabas na pinagbabantaan at tinutugis kaya imposible ng makapanirahan sa Pilipinas.
Pagkatapos, pipirmahan ito ng isang ‘abogado’ na siyang aaktong ‘legal counsel’ ng isang ‘asylum seeker’. Bilang bahagi ng proseso, nakakakuha ng ID (tessera) na maaring i-renew matapos ng 6 na buwan habang hinihintay ang isang interbyu na ipapatawag mismo ng Commissario.
Dahil mga balidong dokumento tulad ng pasaporte ang hinihingi ng ‘abogado’ , mga modulo at papel na may letterhead ng Questura at Ministero dell’Interno, marami ang napapaniwala na maari nga na mapagkalooban ng Asiloang isang aplikante. May ilan na hanggang sa ngayon, hindi pa naibabalik ang pasaporte. Hindi na rin makita ang ‘abogado’.
Bilang tugon sa katanungan sa itaas, ang lahat, kabilang ang mga Pilipino ay binibigyan ng karapatang mag-aplay ngunit sa kasamaang palad ay tinatanggihan o rejected ang aplikasyon dahil ang Pilipinas ay di kasama sa mga bansang inaprubahan ng United Nation at European Union na may refugee. Hindi rin kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may giyera bagkus ay kinikilalang bansang may sapat na ‘kalayaan’ upang ipahayag ang kasarian, relihiyon at pananampalataya at maging paniniwalang politikal.
Sa katunayan, mayroong hanggang sa ngayon ay naghihintay ng tawag o convocazione mula sa Ministero dell’Interno.
Karaniwang ang mga biktima ay mga undocumented na Pilipino na matagal ng nagsisipagtrabaho at naninirahan sa Italya. Namamag-asa na mapagkalooban ng dokumento at ng makauwi para makapiling ang mga mahal nila sa buhay sa Pilipinas.
Ibarra Banaag
Basahin rin:
International protection, paano ibinibigay sa Italya?