Marahil ay di pa batid ng maraming Pilipino na dito sa Italya matatagpuan ang pinakamalaking display ng Christmas tree na ang mga ilaw ay sinisindihan bawat panahon ng Kapaskuhan, sa dalisdis ng Bundok Ingino na nasa lumang bayan ng Gubbio sa sentral Rehiyong Umbria.
Dahil sa pandemya at sa mga restriksiyon ng COVID 19, ang pagsisindi ng mga ilaw ay nasaksihan ng mga residente at ng buong mundo sa pamamagitan ng live-streaming lamang. Tunay ngang kakaiba sa taong ito dahil wala ang taunang pagdiriwang na dinadaluhan ng maraming tao.
Ang tradisyong ito ang nagpakilala sa munting bayan ng Gubbio at nakuha nito ang Guinness Book of Records ng taong 1991 bilang pinakamalaking display ng Christmas tree sa buong mundo.
Mula noong taong 1981 at nasa ika-apatnapung taon na ngayong 2020, mahigpit 700 ilaw ang ginagamit para mabigyang-liwanag ang kabuuan nito .
At nito ngang ika-7 ng Disyembre, 2020, sa ganap na ika-anim ng gabi, binuksan nang sabay-sabay ang mga ilaw ng “punong” may taas na 750 metro sa dalisdis ng bundok, na kinatatampukan ng isang simbolikong higanteng kometa sa tuktok nito. Ang puno ay nalilinyahan ng 300 berdeng ilaw at ang loob naman ay may 400 iba’t ibang kulay ng ilaw.
Ang waring pinaka-ugat ng puno ay tumatagos mula sa sinaunang mga pader ng Gubbio at ang bituin ay abot sa basilika ng bayan na matatagpuan sa tuktok ng bundok, kung saan si San Ubaldo ang itinuturing na patron.
Ang bawat ilaw naman ay sinasabing dedikasyon ng mga taga-roon sa kanilang mga mahal sa buhay o kaya naman ay pagpapaalala sa mga mahahalagang naganap sa kanilang pamumuhay.
Ang bayan ng Gubbio ay dati nang napapalamutihan ng magagandang ilaw pamasko at mga gayak, pati na mga dekorasyong piguring biblikal, nguni’t dahil sa pandemya ng COVID 19 ay nakansela ang mga ito.
Ang nakatalagang presidente ng komite na nangasiwa sa pagsasaayos ng gayak ay si GIACOMO FUMANTI. Mula noong buwan ng Setyembre ay nagtulung-tulong na ang mga boluntaryo sa pag-akyat sa bundok at pagkakabit ng mga linya ng kuryente at mga ilaw. At ito ay may halong pag-iingat na rin dahil sa banta ng Covid19.
Ang pagsisindi ay pinangunahan ng alkalde ng Gubbio na si FILIPPO STIRATI, katuwang ang Obispo ng Diyosesis Eugubina LUCIANO PAOLUCCI BEDINI. Mananatili ang liwanag nito mula bukang-liwayway hanggang gabi at magtatapos sa buwan ng Enero 2021.
Para sa mga taga-Gubbio, ang “punong” ito ay sumisimbolo sa pandaigdigang kapayapaan at kapatiran.
Nais maging bahagi ng inisyatibang ‘ADOTTA UNA LUCE’? Ito ay ang pagbibigay pangalan – marahil ng isang mahalagang tao sa iyong buhay – sa isang ilaw ng christmas tree at kapalit ng isang donasyon, ang ilaw na ito mananatiling ‘bukas’ sa panahon ng Kapaskuhan. Para sa karagdagang impormasyon:www.alberodigubbio.com (Dittz Centeno-De Jesus)