Isang 38 taong gulang na Pilipino ang umamin ng pagpatay kay Lucia Scarpa, 70 taong gulang na kapitbahay na Italyana nito sa Via Romolo Gessi, sa Milan. “Ako ay kanyang sinisingil”.
“Dahil sa epekto ng ipinagbabawal na gamot, ay pinatay ko ang aking kapitbahay”. Ito ang mga pangungusap ng isang Pilipino, 38 taong gulang, regular at mayroong malinis na rekord, sa kanyang pag-amin ng pagpaslang kay Lucia Scarpa, noong nakaraang lunes sa tahanan nito sa Via Romolo Gessi 53 sa Milan matapos diumanong singilin ng biktima ang inutang ng Pilipinong 20 euro.
Ang salarin ay nakatira sa harap ng apartment ng biktima sa ika-apat na palapag. Ang dalawa ay pinagharap ng tadhana noong lunes na naging pagkakataon ng biktima upang singilin ang hiniram ng Pilipinong 20 euro ilang araw na ang nakakaraan. Naging daan ito ng isang mainit na sagutan. Dahil sa epekto ng pinagbabawal na gamot ay binalikan ng Pilipino ang matanda at ilang beses na pinagsasaksak hanggang mawalan ito ng hininga.
Matapos ang krimen, ay kinuha diumano ng Pilipino ang bag ng kapitbahay na mayroong pera at relos. Ayon pa sa report, ito ay upang palabasin ang isang tangkang pagnanakaw sa tahanan ng matanda. Isang kutsilyo ang tila palaging dala ng biktima na syang ginamit naman nito sa pagpaslang na hindi pa natatagpuan hanggang sa kasalukuyan.
Ang Pilipino ay nagtatrabaho sa isang gym at namumuhay kasama ang kanyang maybahay at dalawang menor de edad na anak. Sa tulong ng mga kamaganak at nakakakilala sa salarin, ay napatunayan ang bisyo nito sa sugal at maging sa ipinagbabawal na gamot.
Sumuko naman ng kusa ang Pilipino at inamin ang buong krimen.