in

Pinay binugbog ng mga Pulis!

alt

Roma – Aug. 3, 2011 – Namamagang mukha, pasa sa braso, tuhod, at kalmot sa leeg at mukha  ang natamo ng isang Pinay matapos bugbugin ng mga Pulis ng Primavalle sa Roma noong Lunes, bandang alas-kwatro ng umaga.

Ayon sa biktimang Pinay, bandang 3:40 ng umaga, sapilitan siyang dinampot ng mga pulis ng Primavalle dahil sa ingay ng mga ito na naging dahilan ng reklamo ng mga kapitbahay. Inamin naman ng Pinay na nagdidiskusyon sila ng kaniyang pamangkin na umabot sa sigawan na naging sanhi ng ingay at maaaring mismong mga kapitbahay ang tumawag sa mga pulis.

Dahil sa may pinagdadaanang problema ang biktima, inabandona ng ama ng kaniyang dalawang anak, isang lalaki may edad na 16 at isang babae edad na 14 na kinasama sa buhay sa loob ng 17 years, nawalan siya ng trabaho dahil sa namatay ang kaniyang employer noong nakaraang Marso at kasabay pa sa pag-iwan sa kanila ng itinuring niyang katuwang sa buhay.

Hindi naging madali sa Pinay na ito ang kaniyang pinagdadaanan sa buhay subalit dahil sa kaniyang determinasyong itaguyod ang kaniyang mga anak, lakas ng loob ang kailangan niya. Subalit nang araw na iyon, sa kaniyang pag-iisa ramdam niya ang lungkot ng buhay na nauwi sa alitan nilang magtiyahin.

Ang mga pulis ay dumating sa bahay ng biktima sa Torrevecchia at dahil na rin sa pagtanggi niyang sumama sa mga ito, sapilitan na siyang dinampot at dinala sa police station ng Primavalle. Matapos na siya’y kausapin at interbiyuhin, dinala siya sa pinakamalapit na pronto soccorso at matapos dito,  sinabi niya na siya’y ihatid na sa kaniyang bahay subalit sa halip na siya’y ihatid dinala siya sa Questura Centrale at habang sila’y nagbibiyahe at kinukulit niya ang mga Pulis kung saan siya dadalhin, tumigil ang sasakyan at siya’y pinosasan at binugbog ng mga ito. Nanlaban ang Pinay at lalong nasaktan ang biktima.

“Ipaglalaban ko ang aking karapatan dahil wala akong kasalanan at wala akong ginawang masama. Wala silang karatapan na ako ay saktan”, pahayag ng Pinay na halos hindi na niya maibuka ang bibig dahil sa sugat na kaniyang natamo sa labi. Sinuntok din daw kasi siya sa bibig at sabog ang dugo sa ilong.

Nang umagang iyon ay pinauwi rin agad ang Pinay sa kaniyang bahay matapos mapatunayang wala siyang anumang krimen na nagawa at agad naman siyang nagpunta sa Pronto Soccorso ng Cristo Re upang magpacheck-up at agad ring tumuloy siya sa Police Station upang magreklamo.

Agad na sinaklolohan ng ASLI, Ako Ay Pilipino staff at mga Konsehal na Pilipino ang halos hindi makalakad at makabangon na biktima ng karahasan ng mga pulis.

Maging ang Embahada at POLO-OWWA ay nabigla sa mga isinalaysay ng biktima na nangakong susuportahan ang kaso ng kawawang Pinay.

Nakipag-ugnayan na rin ang mga grupong tumutulong sa biktimang Pinay sa isang abogado at sa Centro Antiviolenza ng Comune di Roma at handa ang mga itong tumulong at tutukan ang kaso.

Ang panawagan ng biktimang Pinay ay katarungan sa nangyari sa kaniya at handa siyang lumantad sa tamang panahon upang ipaglaban ang kaniyang karapatan bilang tao, bilang babae at ina ng kaniyang dalawang anak.

“Gagawin ko ang dapat kong gawin, hindi na para lamang sa aking sarili, ito ay para na rin sa ating lahat. Kung ito ay ginawa sa akin, maaaring gawin din ito sa iba”.

Inumpisahan na ang prosesong burokratiko upang makamit ang katarungang hinihingi ng Pilipina. Ang “determinasyon at lakas ng loob” ng Pinay sa oras ng karahasan ay nagtulak dito upang gawin ang mga kinakailangang hakbang tulad ng “medical certificates” at “police report”, na magpapatunay ng mga pangyayari.

 

ni Liza Bueno Magsino

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

BISITA NG POLO-OWWA SA CAGLIARI PINAGHAHANDAAN

PAANO MAGPAKASAL SA ITALYA