Isang trahedya ang gumulantang sa komunidad ng mga Pilipino sa Italya noong nakaraang Martes pasado alas 12 ng tanghali. Ang biktima ay isang 54-anyos na seaman.
Ayon sa report ay kasalukuyang nakahinto ang barko sa darsena Petroli sa Livorno nang biglang mapatid ang isang kable. Nasapol nito ang nagtatrabahong Pinoy, Juan Galao, na naging sanhi ng kanyang bayolenteng pagbagsak.
Agad namang dumating ang saklolo. Kita agad ng mga rumispondeng medical team ang malubhang kalagayan ng biktima na wala nang pulso. Agad na isinagawa ang CPR ngunit hindi na muling tumibok ang puso ng biktima.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang malaman ang dahilan ng aksidente sa Meligunis Vessel na isang chemical at oil products tanker. Ang nangyari ba ay isang aksidenteng maiiwasan kung hindi nagkaroon ng kapabayaan o kaya’y isang nakalulungkot na trahedya sa trabaho. Ang samahan ng mga mangggaawa ng sektor ay nagorganisa ng dalawang oras na “sciopero” upang ipakita ang pakikiisa sa biktima. (Quintin Kentz Cavite Jr.)