Ginagamit na dokumento ay peke sa pag-empleyo ng mga seasonal workers.
Verona, September 9, 2010 – Isang organisasyon sa Verona ang ni-raid ng Guardia di Finanza. Ang nasabing organisasyon ay nagsasagawa ng mga pekeng documento upang magkaroon ng permit to stay for seasonal reason ang mga dayuhan sa mga sakahan.
Ang organisasyon ay nakipagsabwatan sa mga ahensya sa bansang India, Pakistan at Marocco. Nagtayo ang mga ito ng mga pekeng agricultural company at nagsusumite ng mga pekeng documento na nakakuha ng daan-daang permit to stay for seasonal workers para sa mga dayuhan na nagbayad ng libo-libong euro upang makapasok lamang sa Italya.
Inaresto ang pitong katao sa raid na ginawa ng Guardia di Finanza sa Verona. Ang lima sa mga ito ay italyano, na mula noong 2008 hanggang 2010 ay tumulong diumano sa may 500 indians, pakistans at moroccan na nakakuha ng permit sa Sportello Unico kahit hindi sila kasama sa quota.
Mula noong 2009 ay inumpisahan ang imbestigasyon sa mga probinsya ng Brescia at Bergamo dahil na rin sa naging reklamo ng mga biktimang moroccans nagbayad ng 7 hanggang 9,000 euro na pinangakuang makakakuha ng permesso di soggiorno sa Italya.
Nakapasok diumano sa bansang Italya ang mga biktima kahit walang visa mula sa italian consulate at pagkatapos ay pinabayaan na nang makapasok sa bansa. Ang mga dayuhang ito, bukod sa hindi naman nagtatrabaho sa mga kumpanyang nag-empleyo sa kanila, palipat-lipat pa sila ng tirahan sa Cerea at Casaleone.
Ang mga nasabing dayuhan na nakarating sa bansang Italya ay regular na naninirahan sa bansa ng anim na buwan at pagkatapos ay puwedeng magrenew ng tatlong buwan tulad ng nakasaad sa batas. Subalit matapos ito ay magiging illegal silang dayuhan sa bansang Italya. Ang mga italyano na siyang namumuno sa organisasyong ito na nakikipagsabwatan sa ibang ahensiya ng mga dayuhan, particular ang mga Pakistan, Indian at Moroccan ay hindi na muling makakapanloko sa kanilang kapwa.
Subalit ang tanong, hanggang kalian matututo ang mga dayuhan? Patuloy silang nagbabakasakaling makapasok sa bansang italya upang bigyan ng mgandang buhay ang pamilya. Ang kapalit naman nito’y panloloko ng mga mapagsamantalang kapwa.