Nananatiling mataas pa rin ang presyo ng gas. Ngunit sa mga darating na linggo, matapos ang napakabigat na pagtaas ng presyo nito, ay inaasahang bahagyang makakakita ng pagbaba sa presyo ng gas (ngunit hindi sa kuryente) para sa milyun-milyong pamilya at mga negosyo sa Italya. Ito ay dahil sa ilang pagbabago sa singil sa gas simula October 2022.
Ano ang pagbabago sa pagbabayad ng konsumo ng gas?
Ipinaliwanag ng ARERA, ang awtoridad sa regulasyon ng merkado ng enerhiya sa Italya, ang mga magiging pagbabago.
Simula Oktubre, ang singil ng gas ay magiging buwanan o monthly, sa halip na quarterly. Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang malaking halaga dahil mahahati ito sa ilang buwan.
Gayunpaman, ang nabanggit ay walang anumang epekto sa halaga ng konsumo, bagkus ito ay nasa bagong paraan ng kalkulasyon sa presyo ng gas na ipinasiya ni Arera.
Sa katunayan, hanggang sa kasalukuyan ang singil sa konsumo ng gas ay batay sa presyo ng methane sa merkado ng Amsterdam. Ang pamantayang ito ay mapapalitan na at ang bagong pamantayang gagamitin ay ang PSV (Punto di Scambio Virtuale), o ang Italian index, na hindi gaanong napapailalim sa mahahalagang pagbabago.
Ayon sa Arera, ang desisyong ito ay magpapahintulot na mabilis na maramdaman ng mga consumers sa bansa ang mga benepisyo, sakaling magkaroon ng hakbang ang Europa, upang mapanatili ang presyo ng enerhiya.
Paano bababa ang presyo sa konsumo ng gas?
Mula quarterly sa monthly billing at ang bagong Italy index, may isa pang desisyon ang Arera, ang paga-update ng presyo sa ex post mula ex ante, na maghihiwalay sa mga pagbabago sa presyo ng kuryente mula sa gas.
Nangangahulugan ito na sa katapusan ng buwang ito, posibleng sa Huwebes Oct 29, tanging ang presyo lamang ng kuryente ang ia-update para sa tatlong buwan (kung saan inaasahan ang malaking pagtaas), habang inaasahan hanggang sa mga unang araw ng Nobyembre ang para naman sa presyo ng gas para sa buwan ng Oktubre.
Kabilang sa mga dahilan ng pagbaba ng presyo ng gas ay ang katotohanan na halos lahat ng mga pangunahing bansa sa Europa ay nakumpleto na ang storage o pag-iimbak ng gas at samakatwid ay wala na sa desperadong yugto ng paghahanap ng gas sa anumang presyo. Bukod dito, ang diskusyon sa posibleng ‘limitasyon’ sa presyo ng gas ay nagpapatuloy.
Kailan bababa ang halaga ng mga konsumo?
Ang petsa sa posibleng pagbaba sa halaga ng mga konsumo ay hindi pa matutukoy. Ito ay depende sa mga kaganapan sa susunod na dalawang linggo.
Gayunpaman, sa nakaraang isang buwan at kalahati ay bumagsak ang presyo ng TTF (Title transfer facility) sa Amsterdam sa European market. Mula sa € 370 noong Agosto ay bumaba sa € 130 bawat megawatt per hour ngayon (ang pinakamababa mula noong June). Samantala, ang halaga ng PSV, ang italian index, ay bumaba din mula € 315 noong Agosto sa halos € 80 ngayon.