Bigo ang isinagawang referendum sa Italya noong June 8 at 9, 2025, matapos hindi umabot sa kinakailangang 50% na voter turnout. Ayon sa opisyal na datos, tanging 30.6% lamang ng mga rehistradong botante ang lumahok, dahilan upang hindi maging epektibo ang resulta ng nasabing botohan.
Layunin ng referendum na pagtibayin ang mga reporma sa mga karapatan ng mga manggagawa —gaya ng pagbabalik ng proteksyon laban sa abusadong kontrata sa trabaho at mas mahigpit na regulasyon sa pagkatanggal ng manggagawa. Kasama rin sa mga panukala ang pagpapabilis ng proseso ng pagbibigay ng pagkamamamayang Italyano (Italian citizenship), partikular para sa mga dayuhang ipinanganak at lumaki sa Italya.
Bagama’t malinaw ang suporta ng mga lumahok sa botohan—kung saan 87% hanggang 89% ay pumabor sa mga reporma sa mga karapatan ng mga manggagawa, at 65% naman ang sumuporta sa reporma sa citizenship—hindi ito naging sapat upang maisakatuparan ang mga pagbabagong hinahangad ng referendum, dahil sa kabiguang maabot ang kinakailangang quorum.

Itinuturing ng marami ang resulta bilang isang tagumpay para kay Prime Minister Giorgia Meloni at sa kanyang koalisyon, na lantarang nanawagan ng boykot laban sa referendum. Samantala, ilang sektor ng oposisyon ang nagpahayag ng pagkabigo, iginiit na kulang sa malawak at malinaw na kampanya ang botohan. Ayon sa kanila, lalo na sa isyu ng citizenship reform, lumaganap ang maling impormasyon na nakaapekto sa pag-unawa ng publiko.
“Nakakabigo, pero hindi nakakawalang pag-asa. Ang resulta ng katatapos na referendum ay isang ‘katotohanan’—isang mapait na katotohanan,” ayon kay Klein Marvin Mendiola, isang PhD fellow in Law and Religion. Aniya, ang mga kabataan sana ang makikinabang sa mga reporma sa mga karapatan ng mga manggagawa, na magbibigay ng mas matatag na seguridad sa gitna ng matinding krisis sa ekonomiya. Ngunit sa kabila ng potensyal ng mga panukala, hindi naging sapat ang kampanya, ang daloy ng impormasyon, at ang pampublikong diskurso. Sa halip, nangibabaw ang pamumulitika at ang kawalang-pakialam sa karapatan at obligasyon bilang isang mamamayan.
Binigyang-diin din ni Mendiola na hindi naipaliwanag nang sapat sa publiko ang nilalaman ng panukalang batas ukol sa citizenship reform, kabilang na ang pag-ikli ng required years of residency mula 10 taon pababa sa 5 taon. Marami rin, aniya, ang hindi batid na ang kasalukuyang aplikasyon para sa Italian citizenship ay nangangailangan ng hindi bababa sa dalawang (2) taon bago maaprubahan, isang prosesong mabigat para sa mga dayuhan na matagal nang bahagi ng Italya.
“Panahon na para harapin ang katotohanan at gisingin ang kabataan,” dagdag niya. “Parliamone! Pag-usapan natin ito.” Isang paanyaya sa mga kabataang may migratory background na makilahok at makibahagi sa paghubog ng kinabukasan ng bansang Italya.
“Ang kabiguang ito ay hindi wakas kundi simula ng mas malawak at mas maingay na panawagan para sa inklusibong pagbabago sa Italya,” pagtatapos ni Mendiola.