Matapos ang Milano, Bologna at Napoli, nanalo din ang mga kandidato ng centrosinistra sa Roma at Torino sa katatapos lamang na run-off election.
Si Roberto Gualtieri ang bagong alkalde ng Roma. Opisyal na ang pagkapanalo ng kandidato ng centrosinistra laban kay Enrico Michetti, ang kandidato ng centrodestra sa katatapos lamang na run-off election.
“Ako ay magiging alkalde ng lahat ng mga Romans“, deklara ni Gualtieri, at pagkatapos ay pinasalamatan din ang mga nakalaban sa eleksyon, kasama ang outgoing Mayor na si Virginia Raggi.
Si Gualtieri ay nakatanggap ng kabuuang boto na 565,353, katumbas ng 60,15% samantala si Enrico Michetti ay ibinoto naman ng 374,577 mga botante o ang 39,85%.
Bumaba ang turn-out ng ‘ballottagigio’ sa kapital at bumoto lamang ay ang 40,68% ng mga botante kumpara sa 48,54% sa unang eleksyon. Samantala, kumpara sa nakaraang eleksyon noong 2016 kung kailan inihalal ang outgoing Mayor Virginia Raggi ay umabot sa humigit kumulang na 50% ng mga botante ang bumoto.
Samantala sa Torino ay umabot din sa 59,21% ang botong natanggap ng kandidato ng centrosinistra na si Stefano Lo Russo laban sa 40,7% ni Paolo Damilano, ang kandidato ng centrodestra.
Ang ballottaggio ay naganap nitong nakaraang October 17 at 18 sa 65 mga Comuni ng Italya, kung saan 10 ang mga capoluoghi di provincial: Roma, Torino, Trieste, Varese, Savona, Latina, Benevento, Caserta, Isernia at Cosenza.