in

Roma sa pamumuno ni Francesco Paolo Tronca

Francesco Paolo Tronca, bilang Commissario ng kapital.

 

 

Roma, Nobyembre 9, 2015 – Nanumpa noong Nobyembre 3, si Francesco Paolo Tronca bilang Commissario o acting Mayor ng pamahalaang lokal ng siyudad matapos ang magkasunod na pagbibitaiw ni Mayor Ignazio Marino at ng mga konsehales.

Matapos ang seremonya ng pagtanggap sa katungkulan ay agad nagtungo Si Comm. Tronca sa Vaticano upang makipag-usap sa Santo Padre tungkol sa nalalapit na Giubileo. Si Tronca ay pinili ng gobyerno na mamuno sa Roma Capitale matapos ang matagumpay na pamamahala nito sa katatapos na Milan Expo. “Kung nagawa kong tagumpay , tahimik at walang aberya ang Milan Expo ay magagawa din natin ito sa darating na Giubileo 2016“, pahayag pa ng bagong lider ng Roma.

Sino si Francesco Paolo Tronca?

Bago pa man siya tawagin upang harapin ang krisis politikal sa Roma, si Tronca ay prepekto sa Milan. Ang Prepekto o Prefect ng isang siyudad ay isang tanggapan ng gobyernong nasyunal sa loob ng teritoryong lokal upang mangasiwa sa maayos na pagdaloy at pangangasiwa ng mga panukala ng gobyerno sa mga bayan at siyudad. Si Tronca ay tubong Palermo at nagtapos ng abogasya sa Pisa University. Noong 1977 ay naging pulis at sunod-sunod na ang mga tungkulin bilang Segretario ng Prefettura ng Milan (1979), Vice Prefetto (2000), Prefetto di Lucca (2003), Prefetto di Brescia (2006), Pinuno ng mga Bumbero(2008) at bumalik sa Milano bilang prefetto noong 2013.

Si Tronca ay tinagurian ding “Crisis Man” dahil na rin sa mga epektibong aksyon nito sa paglutas ng mga krisis, kalamidad at mga malalaking pagtitipon sa mga lugar na kanyang pinamunuan.

Ignazio Marino at Roma Capitale

Ang panunungkulan bilang Alkalde ng Roma ni Ignazio Marino ay naputol bunga ng krisis politikal sa loob ng konseho ng siyudad dalawang taon makalipas mahalal. Sa panahong ito rin nabunyag at sinimulang akusahan ang mga tiwaling politikong kasangkot sa tinatawag na “Mafia Capitale”. Dahilan upang mahirapan si Marino na magtatag ng malakas at epektibong gabinete. Ito ay nauwi sa maraming pagpapalit-palit ng mga nanunungkulan sa siyudad. At dahil na rin sa ilang katiwaliang nabunyag, si Mayor Marino ay tuluyang nagbitiw sa tungkulin na unang kumalat sa social network noong Oktobre 8 subalit binawi niya ito noong Oktobre 30.

Upang ipakita naman ang kawalang tiwala sa alkalde ay agad na nagbitiw ang 25 konsehal na nagpawalang-bisa sa konseho at kaugnay nito ay ang pagbagsak ng pamumuno ni Marino. Sa mga pagkakataong tulad ng krisis politikal ng siyudad ng Roma ay katungkulan ng gobyerno na magtalaga ng pansamantalang pinuno o Commissario . Bilang Commissario ng Roma, si Tronca ay nahaharap sa malaking krisis ng politikang lokal at ang paglilitis dito, sa pagsasaayos ng pamahalaan ng Roma kaugnay sa trasportasyon, kalinisan at seguridad bukod pa sa pamamahala sa darating na Giubileo 2016 kung saan inaasahang darating ang milyong dayuhang makikilahok sa relihiyosong pagtitipon.

Inaasahang ang tungkuling iginawad sa kanya ay gagawin sa pakikipagtulungan ni Franco Gabrielli na siya namang Prefekto ng Roma at ilang personalidad ng liderato ng Roma at Italya na papasok sa kanyang “Dream Team“.

 

ni: Tomasino de Roma

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mga Imigrante, driver ng mga pampublikong transportasyon maging sa Genoa

Mga Kabataang Pinoy, nanguna sa ika-6 na taon ng Mille Colori