Nagtala ng pagbaba sa Rt index ang Italya. Mula sa naitala noong nakaraang linggo na 0.98 ay bumama ito sa 0.92.
Naitala din ang pagbaba ng mga kaso sa bawat 100,000 mga residente sa 185 mula 232 noong nakaraang linggo.
Ito ang dalawang pinakamahalagang datos sa weekly report ng Istituto Superiore di Sanità (ISS) at Ministry of Health na ilalabas ngayong araw.
“Ang Rt index ay bumubuti na, at ang ilang mga Rehiyon ay mapupunta sa orange zone”. Ito ang kinumpirma ng presidente ng ISS Franco Locatelli sa isang panayam ngayong umaga.
Sa kabila nito, nananatiling walong rehiyon ng Italya ang mayroong Rt index na higit sa 1, ayon pa ulat ng April 7, 2021 na tumutukoy sa mga linggo ng 29/03/2021 hanggang 04/04/2021.
Nangunguna sa myaroong pinakamataas na Rt ang Sardegna, 1.54. Sinundan ng Valle d’Aosta, 1.39 at Sicilia, 1.22.
Ang tatlong rehiyon na nagtala naman ng pinakmababang Rt ay ang Friuli Venezia Giulia, 0.79; Emilia Romagna at Molise, parehong 0.81.
Narito ang datos ng ibang rehiyon: Abruzzo 0.89; Basilicata 1.15; Calabria 0.93; Campania 1.19; Emilia-Romagna 0.81; FVG 0.79; Lazio 0.9; Liguria 1.19; Lombardia 0.85; Marche 0.86; Molise 0.81; Piemonte 0.9; PA Bolzano 0.91; PA Trento 0.86; Puglia 1.06; Sardegna 1.54; Sicilia 1.22; Toscana 1.02; Umbria 0.97; Valle d’Aosta 1.39; Veneto 0.96.
Ano ang Rt index?
Ang Rt index ay ang pamantayang binabantayan ng awtoridad.
Ang Rt index ang nagsasabi ng average na bilang ng mga tao na maaaring mahawahan ng 1 solong tao, sa itinakdang panahon, na naiuugnay sa pagiging epektibo ng mga paghihigpit tulad ng pagsasailalim sa red at orange zone.
Kaya kung ang Rt ay 2, ito ay nangangahulugan na ang bawat 1 nahawahan, ay makakahawa ng 2 katao at ang 2 taong ito ay makakahawa pa ulit ng dalawa katao. Ito ang dahilan kung bakit binabantayan ang pananatili ng Rt index na mas mababa o hanggang 1. At kapag lumampas sa 2 ay kakailanganin ang higit na restriksyon.
Samakatwid, ito isang transmission rate na nagpapaliwanag sa madaling salita, kung paano nakakahawa ang virus sa pagpapatupad ng mga restriksyon.