Hanggang sa kasalukuyan, hinahanap pa rin si “pasyente O”. Bagama’t may mga naglitawan na bidyo na nagsasabing sila ang pasyente O, mas maraming tanong ang lumitaw kaysa kasagutan. Sa larangan ng siyensya, importante na matukoy ang nagdala o pinagmulan ng COVID19. Sa ganito, sistematikong makikita ang mga dinaanan at naabot na indibidwal ng virus.
Samantala, isang lalaki na 20 araw ng nakabalik mula sa Singapore ang bagong biktima ng Covid19. Sa kasalukuyan ay naka-quarantine sa Pronto Soccorso di Sta Maria Nuova matapos lumitaw sa ikalawang pagsusuri na positibo ang lalaki. Makikita sa loob ng bakuran ng ospital ang isang Tent kung saan siya patuloy na inoobserbahan.
Ang isa pang kaso ay ang 49 na taong gulang mula sa Pistoia. Ang kumpirmado ng COVID19 ay galing mismo sa syudad ng Codogna, Lombardia kung saan nagtrabaho siya ng 3 araw bilang IT. Nagkusa ang lalaki na magpa-quarantine matapos magkaroon ng lagnat. Kinuha siya ng ambulansya matapos imungkahi ng kaniyang Family Doctor na tumawag sa 118. Sa kasalukuyan, siya ay nasa mabuting kalagayan at nanatiling nasa mahigpit na subaybay ng ASL. Matatandaan na sa Codogna naunang nabalita ang pagkamatay ng isang Italyano dahil sa virus.
Sa ilang syudad ng Toscana, patuloy na inoobserbahan ng Asl and 161 na pamilya malapit sa Ospedale San Giuseppe. Patuloy na sinusuri ang mga pasyente at lahat ay inilagay sa quarantine sa loob ng 14 na araw. Ang mga nagboluntaryo ay pawang mga Tsino, 10 sa Empoli, 141 sa Prato.
(Karugtong ng artikolo matapos ang mga patalastas)
Naglaan ng multilingual HOTLINE ang Regione Toscana nitong nagdaang Pebrero 22. Narito ang mga numero na maaring tawagan at aktibo ng 24 na oras araw araw, 0555454777 para sa Firenze,Prato,Pistoia at Empoli; 050954444 para sa Pisa,Livorno,Lucca, Massa Carrara at Viareggio at 800579579 naman sa Arezzo,Grosseto at Siena. Binigyan diin na ang mga indibidwal na nangaling sa mga syudad na may malaking posibilidad na makakuha ng virus ay manatili sa bahay. Tawagan ang numero at huwag dumiretso sa ospital kung may mga nararamdaman na sintomas ng Covid19. (ni: Ibarra Banaag)