Maraming dayuhan kasama pati na ang mga Pinoy, nagbayad ng libo-libong euro para maging legal sa bansa.
Roma – Aug. 7, 2010 – Sumusunod ang gadambuhalang anino ng regularization o mas kilala sa tawag na sanatoria sa mga dayuhang nagnais magkaroon ng permesso di soggiorno o permit to stay at ang mga manloloko ay nakinabang sa kahinaan ng mga non-documented migrants.
Hindi naman kaila sa lahat na ang nakaraang sanatoria ay para lamang sa colf (household service worker) at badante (caregiver). Pagkakataong ibinigay sa mga amo o employers na nag-empleyo ng mga dayuhang walang permit to stay. Hindi rin kaila na may mga requirements na dapat i-comply ang mga amo at manggagawa upang makasali sa sanatoria. Subalit dahil sa kakulangan ng mga dokumentasyon, marami ang hindi inaprubahan ng Questura.
Sa kabila ng mahigpit na regulasyon, marami pa rin ang sumubok mag-aplay, naghanap ng mga among tumatanggap ng bayad o walang bayad: kaibigan o kamag-anak na nais tumulong, kalimitan naman ay hindi nakikilalang amo o employer sa pamamagitan ng mga ahensiya na naniningil para sa kanilang serbisyo na nagkakahalaga ng libo-libong euro.
Hindi umano nagtagumpay ang mga nagtangkang mag-aplay nang higit sa isang application, sapagkat malinaw nga naman na isinasaad ng batas na maaaring mag-empleyo ng higit sa isang worker at ito ay sinamantala ng mga amo at ahensiya upang kumita ng salapi. Tinaggihan ng Sportello Unico per L’Immigrazione ang mga aplikasyong kaduda-duda at ito’y kanilang ipinarating sa mga pulis hanggang sa matuklasan na ang nasabing aplikasyon ay peke.
Ang malalang kaso ay ang nangyari sa Reggio Emilia na kung saan ay nademanda ang apatnapung amo at 201 dayuhan.
Halos mga kabataang non-ducumented migrants na nagtatrabaho construction na nabiktima ng mga fixers. Nagtiwala ang mga dayuhang ito sa ahensiya na may kinalaman sa “truffa” at mga amo na nangako ng legalization bilang household service workers. Tatlong libong euro hanggang 15,000 euro ang halaga bawat isang application, marami sa mga employer ay nagsumite ng halos sampung application at hindi naglaon ay natukalasan ito ng kinauukulan kaya’t sila ay nademanda, ang paliwanag ni Simone Ruini ng Comitato No Pacchetto Sicurezza.
“3000 euro bayad para magkaroon ng permit to stay”
Isa sa mga biktima ay si Khaled, egyptian at may edad na 25, isa sa mga naloko sa Reggio Emilia. “Anim na taon na ako sa Italya, trabahador ako sa isang construction, napakahirap talaga ng walang permit to stay, kaya’t nagbayad ako ng 3,000 euro upang maging legal ang aking paninirahan sa bansa, ngunit ang amo ko ay nagsumite ng labindalawang aplikasyon. Nang hinihingi ko na ibalik na lang sa akin ang pera ko, dinala ako ng aking kababayan sa ahensiya at ako’y tinakot pa nila. Sabi niya, kapat ako ay nagsumbong ay papatayin niya ang aking pamilya” – ang kwento ni Khaled sa Stranieriinitalia.it.
Si Omar, dayuhan sa Reggio, 32 anyos, isa pang egyptian na naging biktima at ang kaniyang aplikasyon ay na-reject sapagkat ang kaniyang amo ay nagpasok ng iba pang aplikasyon: “Sa patronato sinabi nila na pwedeng gawin, nagbayad ako ng 3500 euro sa amo, tapos 1500 euro na ginastos ko sa appeal na aming isinagawa sa Hukuman nang i-reject nila ang aking application sa direct hire. Sa Egypt ay may isa akong anak na isinilang bago ako umalis sa aking bansa, para lamang ako magkaroon ng permit to stay, handa akong magbayad ng higit pa sa aking nagastos noon para lamang makauwi ako sa aking bansa upang makita ang aking anak”.
Isa pa sa mga kwentong tulad ng nabanggit sa itaas, isang Pinay, itago natin sa pangalang Rufina, 38 years old, naninirahan sa Roma. Totoong nagtatrabaho bilang colf, ang amo niya ay Pinoy subalit wala itong carta di soggiorno, isang dokumentong mahalaga para sa isang dayuhang amo.
“Nagbayad ako ng 1000 euro sa isang Filippina na may ahensiya dito sa Roma. Sabi niya sa akin ay pwedeng mag-regularize ang aking among Pinoy. Ngunit ang aplikasyon ay na-reject. Ang Pinay sa ahensiya ay walang sinabi sa amin at kaniya pang sinabi na huwag akong mag-alala sapagkat pwede kaming umapela sa Hukuman. Subalit paano kami mananalo kung wala naman pala kaming karampatang requirements? Siya ‘yung expert ‘di ba? Dapat siya ang unang nakakaalam ng batas” – ang malungkot na pahayag ni Rufina. Nawalan ng 1000 euro si Rufina at hindi niya alam kung paano niya ito makukuha sa mapanlinlang na kababayan.
“Walang saysay ang magsisi”
Bakit nga ba kailangan pang maghinayang. Marami sa mga applications ay rejected, hindi dahil lamang sa kayo ay naloko, may mga nagbayad na hindi naman ipinadala ang aplikasyon na may resibong peke. Ano nga ba dapat gawin sa mga kasong tulad nito? Sa tingin niyo ba ay pupunta ang isang illegal migrant para isumbong sa pulis ang nanloko sa kaniya?
Ito ang nangyayari sa Italya. Ayon kay Maurizio Bove, responsabile immigrazione ng Cisl sa Milan, may halos sampang dayuhan ang bumili ng kontrata sa halagang 6000 euro na sa ngayon ay nahaharap sila sa tinaggihang aplikasyon. Walang saysay na sila ay paasahin, sa kasong tulad nito at sa kabilang banda, may kasalanan din naman ang mga dayuhang ito na nagbabayad ng ganoong kalaking halaga at mahihirapan talaga sila na magkaroon ng permesso di soggiorno kahit man lamang sana pertmit to stay na ang motibo ay unemployment.
Maging maging mapagbantay sana ang mga dayuhan. May mga taong mapanlinlang at may tao naman na nagpapalinlang. Buksan sana natin ang ating mga mata at maging mapagtanong sa inyong tunay na karapatan. Huwag sana tayo agad maniwala sa mga taong naniningil ng higit sa ating kakayahan. (Liza Bueno Magsino)