Inaresto ang isang Pinay sa pagkamatay ng dalawang araw na gulang na anak nito. Ito ang balitang kumalat sa Italya ngayong araw at ikinabigla ng marami.
Ayon sa balita sa telebisyo at mga pahayagan, tatlo katao ang inaresto dahil sa pagkamatay ng isang sanggol dalawang araw matapos itong ipanganak, sa loob mismo ng cruise ship kung saan nagta-trabaho bilang taga-linis ang ina nito na 28anyos na Pilipina.
Araw ng Linggo ng kumalat ang balita ukol sa sanggol sa cruise ship. Dahilan upang ihinto ng Commander ang ruta nito mula Civitavecchia papuntang France. Natagpuan ng mga carabinieri mula Grosseto, ang bangkay ng sanggol na nakabalot sa isang bed sheet sa ibabaw ng double deck bed kung saan natutulog ang ina nito.
Ayon pa sa mga ulat, ang sanggol ay ipinanganak noong Biyernes, May 17, nang walang nakakaalam maliban sa dalawang kasama sa kwarto ng Pinay na inaresto din. Inakusahan ang ina ng voluntary manslaughter at ang dalawang kasama nito sa trabaho na naging kasabwat ng Ina sa pagtatago sa sanggol.
Kaugnay nito, ayon umano sa abugabo ng akusado, pinadede pa ng ina ang sanggol at itinatago lamang sa loob ng cabinet na bukas naman ang mga pinto nito upang masiguradong makakahinga ito.
Posibleng ang dahilan ng ikinamatay ng sanggol ay ang kakulangan sa pag- aaruga at naging kapabayaan dito mula sa araw ng kapanganakan nito. Wala namang natagpuan bakas ng karahasan sa katawan ng sanggol ayon sa mga ulat. Ngunit tanging ang risulta lamang ng autopsy ang magpapatunay sa totoong dahilan ng pagkamatay ng sanggol.
Samantala, ipinagbigay-alam naman ng Assistance to Nationals (ATN) Rome Office sa Ako ay Pilipino na nag-instruct na ang PE Rome sa Consulate sa Florence na makipag-ugnayan sa local authorities upang siguraduhin ang kundisyon ng Pinay, ang estado ng kaso at ang posibilidad na mabisita ito.