Paalala sa halaga ng pag-aayuno tuwing panahon ng Mahal na Araw at pagtatanggol sa karapatan ng mga domestic workers.
Ito ang laman ng sermon ng Santo Padre noong nakaraang Biyernes sa Casa Santa Marta sa Vatican, kung saan matatagpuan ang tirahan ng Santo Padre.
Nagsimula ang kanyang sermon sa pamamagitan ng pagbibigay halaga sa ayuno tuwing panahon ng Mahal na Araw at nagtapos naman sa pagtatanggol sa karapatan ng mga domestic workers.
Hinihikayat ni Pope Francis na tapusin ang araw araw na pananamantala at kawalang katarungan sa loob ng mga tahanan. Sa katunayan ay nagbigay pa ng halimbawa ang Santo Padre ng mga colf na nagiging biktima ng karahasan.
“Iniisip ko ang maraming mga colf na nagsusumikap upang kumita ng kanilang ikakabuhay: hindi binibigyang halaga at minamaliit…. Paano nyo sila tinatrato? Bilang tao ba o bilang mga alipin? Binabayaran ba sila ng wasto, binibigyan ba ng pagkakataong magbakasyon? Sila ay mga tao rin at hindi mga hayop na tumutulong sa inyong mga tahanan. Palagi ninyong isipin ang wastong pag-uugali sa mga colf sa loob ng inyong mga tahanan”.