in

Santo Padre, Dalawang Matinding Respiratory Insufficiency

Mula noong Pebrero 14, 2025, patuloy na nagpapagaling si Pope Francis sa Gemelli Hospital matapos siyang ma-confine dahil sa matinding bronchitis na nauwi sa double pneumonia. Ang kanyang kalusugan ay dumaan sa iba’t ibang yugto ng pagbuti at paglala, na naging sanhi ng mahigpit na pagbabantay ng mga doktor.

Unang Linggo ng Pagkaka-ospital

Noong unang mga araw ng kanyang pananatili sa ospital, nakaranas ang Santo Padre ng panghihina at hirap sa paghinga. Sa kabila nito, sinabi ng Vatican na siya ay walang lagnat at patuloy na tumutugon sa gamutan. Sumailalim din siya sa antibiotic therapy upang labanan ang impeksyon sa baga.

Biglaang Paglala ng Kondisyon

Noong Pebrero 18, nakaranas si Pope Francis ng isolated attack of bronchospasm, na nagdulot ng pagsusuka. Dahil sa hindi inaasahang insidenteng ito, kinakailangan niyang gumamit ng non-invasive mechanical ventilation upang mapabuti ang kanyang paghinga. Sa mga sumunod na araw, patuloy siyang inobserbahan ng mga doktor, ngunit nanatiling matatag ang kanyang kondisyon.

Dalawang Matinding Respiratory Insufficiency

Noong Marso 3, sa ika-labingwalong araw ng kanyang pananatili sa ospital, muling nagkaroon ng komplikasyon ang kanyang kalagayan. Dalawang beses siyang nakaranas ng matinding respiratory insufficiency dulot ng naipong plema na nagdulot ng bronchospasm. Isinagawa ang dalawang bronchoscopy upang maalis ang bara sa kanyang daluyan ng hangin. Sa hapon ng parehong araw, muling sinimulan ang mechanical ventilation upang mapanatili ang maayos na paghinga ng Santo Padre.

Kasalukuyang Kalagayan

Sa kabila ng mga hamon sa kanyang kalusugan, tiniyak ng Vatican na si Pope Francis ay walang lagnat, hindi anemic, conscious, at patuloy na tumutugon sa gamutan. Subalit, nananatili siyang nasa masusing pangangalaga ng mga espesyalista sa Gemelli Hospital.

Panalangin ng Sambayanang Katoliko

Dahil sa patuloy na labang kinakaharap ng Santo Padre, patuloy ang pag-aalay ng Santo Rosaryo gabi-gabi sa St. Peter’s Square. Maraming Katoliko mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang Filipino community sa Italya, ang nakikiisa sa pananalangin para sa kanyang agarang paggaling. Isa sa mga dumadalo gabi-gabi ay si Demetrio Griego, na emosyonal habang ipinapakita ang kanyang hawak na Rosaryo bilang tanda ng kanyang pananalig at suporta sa Santo Padre.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Kundisyon ng Santo Padre, nananatiling kritikal. Buong mundo, nananalangin para sa kanyang paggaling