in

Sartoria di Fashionista Filippina, adbokasiya ang pananahi at pamimigay ng face masks sa Bologna

Mayroon ka pa bang nagagamit na face mask? O naubusan ka na sa mga ibinebenta noon sa mga botika at pamilihan at maging ang pag-order sa online website ay pahirap na?

Ito ang nag-udyok sa grupo ng mga mananahi sa Bologna na may tawag na SARTORIA DI FASHIONISTA FILIPPINA, binubuo ng mga kababaihan ng dalawang organisasyon, ang ALAB o Alyansa ng Lahing Bulakenyo and Friends at ng FWL o Filipino Women’s League.

Nabuo ang samahang ito ng mga mananahi noong taong 2018, nang magsimula silang magsanay nang sama-sama, dala ang kani-kanilang makina at gamit-panahi sa Centro Delle Donne sa Bologna. Sila-sila ay nagbabahagi ng kasanayan, nagtuturo sa mga baguhan at ipinopost sa social media gaya ng Facebook ang kanilang mga nayaring damit at gamit-pangtahanan. Tuwing Sabado ng hapon ay nagkikita-kita para manahi at maging produktibo ang ekstrang oras nila na walang tabaho.

Hanggang nagkaroon ng krisis ng COVID 19 at mayorya ay nasa bahay na lamang at di makalabas dahil sa restriksyon. Kaya isinilang ang adbokasiya ng paggawa ng cloth face masks dahil bawat isa ay gumawa ng kani-kanilang face mask na magagamit ng kanilang pamilya dahil sa kakulangan ng mabibili nito sa kasalukuyan.  Nagpost sa kanilang FB page, nakita ng mga kaibigan at kakilala at napakiusapan na igawa na rin sila.

Sa kahilingan ng isang miyembro na mabigyan ang kaanak niya na nagtatrabaho sa isang hospital, tumugon ang mga miyembro ng Sartoria at dun na nga nagsimula ang kanilang misyon na gumawa pa para sa higit na nakararami at nangangailangan na mga frontliners, health and sanitary workers sa mga hospital na may mga Pilipino rin naman.

Sa kasalukuyan ay nakatatanggap sila ng puna at batikos mula sa ilang kababayan dahil sa usaping sanidad at kawalan nito ng silbi laban sa COVID 19. Kaugnay sa naunang nailabas na artikulo sa Ako ay Pilipino – “Face Mask, Mayroon ka na ba?”, ipinababatid na ang N95 respirator at WHO-approved face mask ang dapat gamitin laban sa corona virus lalo na yaong mga doktor, narses at mga health worker at sanitary personnel. 

Ang cloth face mask ay may minimal na proteksyong maibibigay laban sa virus nguni’t makakatulong ito na panangga sa mga talsik ng laway, bahing o ubo mula sa mga maysakit, mga delikadong usok at amoy dulot ng mga detersibong gamit sa paglilinis, at alikabok na makapagdudulot ng iritasyon sa respiratoryo. Hindi man 100 porsiyentong proteksyon, ay mas mainam na kaysa wala.

Ang ginagawang cloth face mask ng mga kababaihang mananahi ay muling nilalabhan, pinaplantsa at isinisilid sa plastic upang makasiguro sa kalinisan, bago makarating sa pagbibigyan. Sa ngayon ay may iba-ibang modelo silang nagagawa, depende sa kanilang materyal dahil hanggang sa kasalukuyan ay sarado pa rin ang ibang negosyo na mabibilhan nito. 

Sa buong mundo, ang mga bansang nalaganapan ng COVID19 ay hinihikayat ang bawat isa na gumawa at gumamit ng mga do-it-yourself na face mask. May inilunsad din na  adbokasiya, ang #Mask4All, na paghikayat sa lahat ng paggamit ng face mask sa mga pagkakataong kinakailangan, pati na ang paggawa ng mga mananahi at ipinamimigay ang kanilang mga tahi. Ang Sartoria di Fashionista Filippina ay sumusuporta dito. At patuloy nilang gagawin hangga’t may nangangailangan nito. (ni: Dittz Centeno-De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

4 na asosasyon, sumulat kay Conte “Misure urgenti per famiglie e lavoratori addetti”

“Regularization para sa mga undocumented”, panawagan ng CGIL