Rome – Giudizio con rito abbreviato para kay Winston Manuel Reyes, matapos amining sya ang pumatay kay Contessa Alberica Filo della Torre sa Olgiata noong Hulyo 10, 1991. Ang mga abugado ni Winston noong nakaraang Huwebes ang pumili ng uri ng paglilitis na nakatakda sa Setyembre 19 ng taong kasalukuyan, ng hukom na si Massimo Di Lauro. Ang mga abugado ay piniling mapasailalim sa ganitong uri ng proseso upang maisagawa ang isang sikolohiyang pagsusuri at ang imbestigasyon sa dalawa pang ibang saksi. Bilang resulta nito ay hindi na gaganapin ang ‘processo con rito immediato’ na itinakda sa kahilingan ng tagausig (Pubblico ministero) na si Maria Francesca Loisa Septiyembre 20. Salang pagpatay at pagnanakaw ang ipinataw kay Reyes matapos arestuhin ito noong 29 Marso at inamin pagkalipas lamang ng dalawang araw ang kanyang pagpaslang sa Contessa. Ayon sa mga report, ang pagpaslang ay naganap matapos ang tangkang pagnanakaw nito sa mga alahas ng Contessa na nagkakahalaga ng 80 milyong lire. Nahuli diumano ng Contessa ang Pilipino sa silid nito ang naging sanhi ng pagpaslang dito.
Bagaman marami ang nahihiwagaan sa mga kaganapan hanggang sa kasalukuyan, inaasahan, lalo na ng mga Filipino Communities sa buong Italya na lalabas ang katotohanan para sa katarungan ng Contessa gayun din para sa pamilya ng ating kababayan.