Ang singil sa kuryente ay tataas ng 40% simula sa Oktubre sa Italya”.
Ito ang naging pahayag kahapon ng Minister of Ecological Transition Roberto Cingolani na lumikha ng pangamba sa nakakarami, kasama ang Codacons at ibang asosasyon na nagmamalasakit sa mga consumers dahil sa posibleng pagtaas ng singil hanggang €500,00 kada pamilya sa loob ng isang taon, makalipas ang katatapos lamang na pagtaas din ng halaga ng gasolina nitong summer season.
“Noong nakaraang trimester, ang singil sa kuryente ay tumass ng 20% at sa susunod na trimester ay muling tataas ng 40%”, aniya. Ito ay dahil umano sa pagtaas din ng singil ng gas sa international market, na sanhi ng pagtaas ng presyo ng produksyon ng CO2.
Ayon sa Codacons, tinatayang aabot sa € 324,00 kada pamilya sa loob ng isang taon ang pagtaas sa singil sa gasolina. Sa katunayan ay tumaas na ng 15.3% ang halaga ng gasolina mula sa presyo nito sa simula ng taon, at +19.4% kumpara sa nakaraang taon, 2020. At walang duda na ito ay magiging sanhi din ng pagtaas sa singil ng kuryente at pati ng gas.
At kung kumpirmado ang pagtaas sa singil hanggang 40%, ito ay magkakaroon ng mabigat na epekto sa budget ng mga pamilya na tinatayang aabot sa humigit kumulang na € 500,00 kada taon para sa pamilya na mayroong 2 anak. (PGA)