Ang ikatlong dosis ng bakuna kontra Covid o ang tinatawag na booster dose ay marahil maging para sa lahat, ayon sa mga eksperto. Samantala, narito ang paglilinaw kung sino ang dapat bigyan ng third dose sa kasalukuyan.
Sino ang dapat bigyan ng booster dose?
Ang mga dapat bigyan ng booster dose sa kasalukuyan ay ang mga:
- health workers;
- mga staff at pasyente ng RSA o nursing home;
- mga over 18 na may pathology at itinuturing na ‘fragile’ o mayroong karamdaman na mahina ang resistensya.
- mga over 80s;
Bukod sa mga nabanggit, ay kasama din ang mga over 60s na binigyang pahintulot na rin ng Ministry of Health ng Italya na makatanggap ng booster dose sa pamamagitan ng isang Circular noong nakaraang Oct 8.
Para sa lahat ng mga kategoryang babanggit, ang booster dose ay ibibigay sa pamamagitan ng bakunang mRna, ang Pfizer o Moderna, anuman ang unang dalawang dosis ng bakunang natanggap.
Bukod dito, ang third dose ay maaari lamang gawin makalipas ang anim na buwan mula sa ikalawang dosis. Sa katunayan, ayon sa mga pinakahuling pag-aaral, makalipas ang anim na buwan ay nagkakaroon ng pagbaba sa lebel ng anti-Covid antibodies.
Sa lahat ng mga rehiyon sa bansa ay nagsimula na ang booking ng third dose. Kaugnay nito, sa ilang rehiyon ay magkasamang itinuturok ang bakuna antiinfluenza at ang third shot ng anti-Covid sa mga over 80s.
Ipinapayong bisitahin ang official website ng Rehiyon kung saan residente at makipag-ugnayan sa inyong medico di base.
Ang mga nabakunahan ng AstraZeneca ay bibigyan din ba ng booster dose?
Kahit ang mga nabakunahan ng AstraZeneca vaccine sa unang cycle ay maaaring bigyan ng booster dose, sa kundisyong sila ay nabibilang sa mga kategoryang nabanggit sa itaas at kung nakalipas na ang 6 na buwan mula sa ikalawang dosis.
Gayunpaman, ang mga bakunang Pfizer o Moderna ang bakunang ibibigay kahit pa ang unang dalawang dosis na natanggap ay AstraZeneca. Tinatawag ng mga eksperto na ‘heterologous’ ang pagbabakuna na ang mga produkto mula sa iba’t ibang pharmaceutical company.
Mga nabakunahan ng Johnson & Johnson, kailan ang second dose?
Ang mga nabakunahan ng Johnson & Johnson na single-shot lamang ay inaasahang bibigyan din ng pangalawang booster dose. Ipinaliwanag ni Water Ricciardi, ang consultant ni Minister of Health, sa isang interview, na ayon sa mga pinakahuling pag-aaral ng American pharmaceutical company ay bumababa diumano ang bisa ng bakunang J&J pagkatapos ng 2 buwan, partikular sa Delta variant ng Covid.
Nilinaw naman ng coordinator ng Comitato Tecnico Scientifico (CTS) na si Franco Locatelli, na hinihintay pa ng Italya ang desisyon ng mga drug authorities, ang European Medicine Agency (EMA) at Agenzia Italiana del Farmaco (AIFA), at mabilis umanong magsisimula sa pagtanggap ng awtorisasyon.
Booster dose, kailan magiging para sa lahat?
Patuloy na pinag-uusapan ang posibleng pagbibigay ng third o booster dose para sa lahat, ngunit napakaaga pa para malaman kung kailan.
Ayon sa presidente ng Istituto Superiore di Sanità Silvio Brusaferro, “Ang pagbibigay ng ikatlong dosis para sa lahat ay marahil na magaganap. Ngunit maaga pa upang magpasya kung kailan ito sisimulan. Malaking bahagi ng populasyon ay nakumpleto ang dalawang dosis nitong nakaraang Summer at ang 6 na buwan para sa booster dose ay hindi pa lumilipas“.
Ang pagbibigay ng booster dose sa buong populasyon sa bansa ay pagdedesisyunan batay sa mga makakalap pang impormasyon at kaalamang syentipiko pati na rin sa magiging takbo ng pandemya sa bansa. (PGA)
Basahin din:
- Mga dapat malaman ukol sa Booster dose kontra Covid19 sa Italya
- Bisa ng Pfizer, nababawasan makalipas 6 na buwan