Ang Omicron variant ay kinatatakutan sa Europa at ang Italy ay pinag-aaralan ang karagdagang paghihigpit sa nalalapit na Kapaskuhan.
Kaugnay nito, inaprubahan ng Konseho ng mga Ministro ang dekreto na nagpapalawig sa State of Emergency sa bansa dahil sa Covid19 hanggang sa March 31, 2022. Ninais ng gobyerno ni Draghi na palawigin pa ang status dahil sa posibleng pagkalat ng Omicron variant.
Bukod dito, inaprubahan din ang bagong ordinansa na naghihigpit sa mga papasok sa Italya na mula sa mga bansa ng EU. Ang sinumang hindi bakunado ay sasailalim sa 5 araw na quarantine habang ang mga bakunado naman ay kailangang magpakita ng negative Covid test result. Ito ay ipatutupad mula December 16 hanggang January 31, 2022. Layunin nito ang maiwasan ang pagkalat ng Omicron variant sa bansa.
Samantala, walang inaprubahang anumang batas na nag-oobliga sa pagsusuot ng mask sa outdoor.
Sa pagpapalawig ng State of Emergency ay mananatiling Emergency Commissioner si Francesco Paolo Figliuolo at itinalaga ring head ng Comando operativo di vertice interforze (COVI). (PGA)