Inaprubahan ng Senado at umani ng 157 pabor na boto ang extension ng State of Emergency ng Italya hanggang October 15, 2020.
Idineklara ng gobyerno at isinailalim ang bansa noong Enero 31, 2020 sa State of Emergency hanggang sa susunod na anim na buwan o hanggang July 31, 2020 dahil sa hatid na panganib ng emerhensiya sa kalusugan sanhi ng Covid19. Ang desisyon ng gobyerno ay ang palawigin ito hanggang October 15, 2020. Ngayong hapon, matapos ang komunikasyon ni premier Giuseppe Conte, inaprubahan ang extension ng Senado.
Ang pagsasailalim sa bansa sa State of Emergency ay nagbibigay sa gobyerno at sa Civil protection ng pambihira o espesyal na kapangyarihan. At sa kadahilanang ito, hiniling ng PD at IV sa punong ministro na magbigay ng garantiya sa Parliyament ng ilang limitasyon. Partikular, hiling ng mga nabanggit na partido na samahan ang extension ng isang dekreto na nagtatakda ng ‘hangganan’ ng gobyerno. Sa katunayan, si PD party head Stefano Ceccanti ay nagtakda ng limang puntos upang limitahan ang kapangyarihan ng prime minister. Samantala ang oposisyon, ay nananatiling salungat sa pagpapalawig. Para sa FI, FDI at Lega ang pagpapalawig ng State of Emergency ay para lamang umano lumawak ang kapangyarihan ng premier.
Ngunit ano nga ba ang epekto ng pagpapalawig ng State of Emergency sa bansa?
- Zone rosse
Ang extension ay magpapahintulot na magtalaga ng bagong ‘zona rossa’ sa kaso ng malala at bagong outbreak.
- Paaralan
Ang extension ay magpapahintulot na bumili ng lahat ng mga materyales na kinakailangan upang makapagsimula ang mga paaralan ng ligtas: tulad ng mga masks, gel, upuan, Plexiglas spacers. Ito ay magpapahintulot na maging mas madali ang pagbibigay ng mga ‘appalti’.
- Paghihinto ng mga flights
Ang State of Emergency ay nagpapahintulot ding pahintuin ang mga flights, mula at patungo sa mga bansang mapanganib o ang pagtutukoy ng nasyunalidad na hindi pahihintulutang makapasok sa bansa.
- Mga caserme at hotel
Sa kaso ng second wave, ang extension ay magpapahintulot na maghanap ng mga puwesto, bukod sa mga ospital tulad ng caserme o barracks at mga hotels.
- Smart working
Sa panahon ng State of Emergency, ang mga empleyado ng publiko at pribadong tanggapan ay maaaring magpatuloy sa smart working batay sa paraang napagkasunduan. Para sa Public administration, nasasaad sa decreto Rilancio na ang mga empleyado ay mananatiling smart working hanggang December 31, 2020. (PGA)
Basahin din:
- Pansamantalang pagsasara ng Italya sa 13 non-European countries, extended!
- Preventive measures laban Covid19, hanggang July 31, 2020
- Serbia, Montenegro at Kosovo, may travel ban na din sa Italya
- Mga papasok sa Italya mula Romania at Bulgaria, may mandatory quarantine