Kinumpirma ni Premier Mario Draghi na hindi na palalawigin ang State of Emergency sa Italya at ito ay magtatapos sa March 31, 2022.
Nais kong i-anunsyo ang intensyon ng gobyerno na hindi na palalawigin pa ang state of emergency ng bansa”.
Bukod dito ay binanggit din ng premier na tatapusin na ang color-code system batay sa risk o peligro hatid ng Covid19. Tatanggalin na ang obligadong pagsusuot ng mask sa outdoor pati ang quarantine ng mga miyembro ng pamilya ng positibo sa Covid.
Aniya, isinaalang-alang ng gobyerno na ang pagbangon ng bansa ay pangunahing batay sa kapasidad nito na malampasan ang state of emergency. Mabilis ang pagbaba sa bilang ng mga positibo sa Covid na nagpapahintulot sa paghusay ng sitwasyon. Salamat sa epektibong vaccination campaign na magpapahintulot na magtanggal ng mga natitirang restriksyon.
Kinumpirma din ni Draghi ang unti-unting pagtatanggal sa gamit ng Super Green pass. Ito ay sisimulan sa mga outdoor – sa mga fairs, sports, party at mga exhibit. Gayunpaman, mahigpit na babantayan umano ang sitwasyon ng pandemya upang maging handa sa anumang aksyon sakaling muling tumaas ang mga bilang.
Inulit ng premier na ang layunin ng gobyerno ay muling buksan ang bansa sa lalong madaling panahon.