Sinimulan noong nakaraang December ang pagbabakuna sa mga bata mula 5 hanggang 11 taong gulang sa Italya. Sa mga Covid decrees na inaprubahan at ipinatutupad noong December 2021 at January 2022 ang regulasyon ng Super Green Pass para sa mga menor de edad, partikular sa mga mas bata sa 12 anyos ay hindi nagbabago.
Tulad ng mga adults na sumasailalim sa unang cycle o booster dose, ang mga batang nasa edad mula 5 hanggang 11, pagkatapos ng unang dosis ng anti-Covid vaccine, ay makakatanggap din ng Super Green pass. Sa pagbabakuna sa mga bata mula 5 hanggang 11 taong gulang ay ginagamit ang pediatric dose ng bakunang Pfizer o ang ikatlong bahagi ng dosis para sa mga matatanda. Ang distansya sa una at pangalawang dosis ay 21 araw o 3 linggo.
Super Green Pass para sa mga minors na under 12
Sa kabila ng pagtanggap ng mga batang wala pang 12 taong gulang o under 12 ng Super Green pass ay hindi sila kasama sa obligasyon. Hindi dapat hingan ng Super Green pass para sa access sa lahat ng mga pasilidad kung saan ito mandatory. Samakatwid, kahit mayroong Super Green pass ang mga bata mula 5 hanggang 11 taong gulang, ay hindi mandatory para sa kanila ang ipakita ito sa mga lugar kung saan ito mandatory.
Ito ay nangangahulugan na ang mga under 12ay maaaring magpunta sa stadium, cinema at theme park kasama ang mga magulang at sila (ang mga under 12) ay hindi mangangailangan ng Super Green Pass. Maaari din silang magpunta sa mga beauty at hair salon, mga shops at mall nang hindi hahanapin ang Super Green pass na mandatory simula February 1, 2022.
Bukod pa dito, ang mga batang may edad mula 5 hanggang 11 na babalik sa Italy mula sa pagbibiyahe sa ibang bansa ay hindi kailangang mag-quarantine kung ang mga miyembro ng pamilya ay nabakunahan o naka-recover mula sa Covid.
Super Green pass para sa mga minors na over 12
Samantala, ang pagpapakita ng Super Green pass ay mandatory sa mga batang 12 anyos pataas. Ang mga over 12 ay kailangang sundin ang general rules ukol sa mandatory Super Green pass sa pagsakay ng mga public transportation at pagpunta sa mga hotels.
Ang Super Green pass ay kailangan ng mga bata over 12 sa pagpunta sa cinema, theater, bars at restaurants, stadium, sports event, pagdalo sa mga receptions at public ceremonies, pagpunta sa gym, spa, museums, malls at shops.
Gayunpaman, ang pagkakaroon ng Green pass ay hindi kakailanganin ng mga bata; under o over 12, sa pagpasok sa eskwela. Ito ay mandatory lamang para sa mga university students.
Isang paalala na ang mga mas bata sa 6 na taong gulang ay exempted din sa pagsusuot ng mask. (PGA)