Sinimulan na ng Israel ang pagbabakuna ng pangatlong dosis at sa lalong madaling panahon ay ihahayag na din ng Amerika ang hangarin nitong simulan ang booster dose mula 16 anyos pataas. Ito ay matapos inanunsyo ng Food and Drug Administration noong nakaraang linggo ang ‘go signal’ upang maprotektahan mula sa Delta variant ang mga mahihina ang immune system. Gayunpaman, sa mga susunod na buwan ay inaasahang sisimulan ang pagbabakuna ng ikatlong dose sa buong populasyon sa Amerika.
Nagpahayag na din ang France at Germany ng intensyong simulan ang third dose walong buwan matapos makumpleto ang mga dosis ng bakuna. Ito ay nakalaan hindi lamang sa itinuturing na physically fragile bagkus sa buong populasyon ng mga nabanggit na bansa. Layunin ay panatilihing malakas ang panlaban sa posibleng lalabas na bagong variant sa Autumn na inaasahang mas malakas pa sa Delta variant.
Samantala, wala pang desisyon ang Italya ukol sa ikatlong dosis bagaman ito ang ipinapayo ng mga eksperto para sa mga taong mahihina at maysakit.
“Marahil ay kailanganin ito ng mga nakatapos na ng dalawang dosis upang magbigay boost sa immune system”, paliwanag ng ilang immunologists.
Kumbinsido naman si Undersecretary of Health Pierpaolo Sileri sa ikatlong dosis at umaasang magagawa ito sa Autumn kahit sa mga mga itinuturing na physically fragile muna. (PGA)