in

Third Round ng peace talks, nagaganap sa Roma

“Heart and soul” ng peace negotiations na patungkol sa socio-economic reforms at political and constitutional reforms, tinatalakay sa third round ng peace talks sa Rome sa kasalukuyan. 

 

Roma, Enero 24, 2017 – Nagsimula noong Enero 19 sa Holiday Inn Rome, Italy, at kasalukuyang nagaganap ang ikatlong round sa serye ng peace talks sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) kung saan kabilang ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA). Ito ay magtatapos sa Enero 25. 

Layunin ang masinsing pag-uusap ng ikatlong round sa serye ng peace talks sa  Roma dahil tinatalakay dito ang tinatawag na “heart and soul” ng peace negotiations na patungkol sa socio-economic reforms at political and constitutional reforms. Dito’y magpapalitan at inaasahang magkakaisa ang dalawang panig sa inihanda na nilang mga borador para sa Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms (CASER).

Pinangunahan ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus G. Dureza ang nasabing delegasyon ng gobyerno. Kasama rin sina Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, Jr., National Anti-Poverty Commission Chair Liza Maza at siyam na miyembro ng House of Representatives na pinangungunahan ni Tawi-Tawi Representative Ruby Sahali, ang chairman ng House Committee on Peace, Reconciliation and Unity. Ang naturang mga legislator ay mga observer sa pagpupulong.

Sa pagbubukas sa negosasyon, inihayag nina Dureza at Chief Peace Negotiator Silvestre H. Bello III na ipinag-utos umano ng Pangulo ang pagpapabilis sa negosasyon upang magkaroon ng sapat na panahon para sa pagpapatupad ng peace deal sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Umaasa naman si Prof. Jose Maria Sison, pinunong pampulitikang tagapagpayo ng NDFP panel,  na tutugon ang usapan sa ‘root cause’ ng armadong tunggalian at magsisikap na mapunuan ang mga hinaing ng mamamayan para sa batayang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang mga reporma upang mailatag ang pundasyon ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan at itatag ang isang Pilipinas na tunay na nagsasarili, demokratiko, makatarungan, masagana at maunlad. 

Matatadaang ang unang dalawang round ng pag-uusap ay ginanap sa Oslo, Norway at ito ay naging daan upang maumpisahan ang iba pang substantive agenda para sa negosasyon. 

Bago pa man simulan ang usapan ay nagpalitan ng draft proposal ang parehong panig, ay ayon kay Special Envoy Elisabeth Slattum ang representative ng Royal Norwegian Government (RNG) na tumatayong host ng peace negotiations at ito ay mailalarawan niyang pinakakomprehensibo.

Ayon pa kay Slattum, bilang third party facilitator, ay naniniwala siya na ang bawat partido ay naghahangad ng magandang kinabukasan para sa Pilipinas at mamamayan nito at ito ay inaasahang magbubunga ng maganda para sa lahat.

Sa katunayan, pinirmahan ng parehong panels sa ikalawang araw ng peace talks ang supplemental guidelines para sa Joint Monitoring Committee (JMC). Layon nitong makatulong at higit na masubaybayan at maabot ang mga layunin ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Tiwala ang government panel na maisasapinal nila ang peace deal kasama ang mga komunista sa loob ng isang taon upang matapos na ang matagal ng rebelyon sa mga kanayunan.

Muling sinabi nina Dureza at Bello ang posisyon ng gobyerno na ang parehong partido ay pipirma sa isang mas stable at formal ceasefire agreement kasama ang NDF.

Samantala, nilinaw ng NDFP na handa rin itong makipag-alyansa sa GRP at gubyernong Duterte sa pagtatag ng Pederal na Republika ng Pilipinas na magbubuo ng bagong konstitusyon para sa pambansang kasarinlan, demokrasya, kaunlarang pang- ekonomya, panlipunang hustisya, pag-unlad ng kultura, nagsasariling patakarang panlabas, at pakikiisa sa mga mamamayan ng lahat ng bayan para sa kapayapaan at kaunlaran. 

Naniniwala rin ang government panel na ang presensya ng malaking bilang ng mga kapartido ng Pangulo sa House of Representatives ay malaking tulong upang matiyak na mapapabilis ang peace process sa pagitan ng executive at legislative department.

Sa naunang pahayag ni Dureza, sinabi niya na ang mga isyu at demands ng mga komunista sa Pilipinas ay mangangailangan ng pag-aamyenda sa batas at mga pagbabago sa gobyerno.

Kasama rin sa House delegation sina House Deputy Speaker Bai Sandra Sema, mga representative na sina Reynaldo Umali ng Justice Committee, Rene Relampagos ng Agrarian reform, mga miyembro ng House Special Committee on Peace and Reconciliation and Unity na sina Carlos Isagani Zarate, Jesus Sacdalan, Jose Christopher Belmonte, Maximo Rodriguez, Nancy Catamco, Gary Alejano at Leopoldo Bataoil.

Samantala sa hanay naman ng NDFP sina Fidel Agcaoili ang Chairperson ng panel, Julie de Lima, Coni Ledesma, Asterio Palima, Benito Tiamzon; Chief political consultant si Jose Maria Sison at Senior adviser Luis Jalandoni. 

 

 

PGA

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Taunang pista ng Sto. Niño, ginunita sa Milan

Secretary Yasay, binisita ang mga Pilipino sa Italya