Bagsak ang sektor ng turismo. Nagtatala ng malalang danyos at higit na apektado ang mga hotels at mga Art Cities. Halos huminto ang turismo sa Italya at sa buong Europa dahil sa pandemya.
Ito ang makikita sa mga datos na inilabas ng Istat sa unang 3 trimester ng taong 2020.
Partikular, sa unang 8 buwan ng 2020 ay umabot lamang sa halos 1.1B, ang reservations sa mga hotels sa Europa. Ito ay mas mababa ng higit sa 50% kumpara sa parehong panahon ng taong 2019. Ito ay ayon sa kalkulasyon ng Eurostat.
Samantala, ang datos sa unang 9 na buwan ng taon ng Italya mula sa Istat ay umaayon sa trend ng Europe. Mas mababa ng 50.9% kumpara noong 2019, at mas mababa ng halos 192 milyong reservations.
Ang mga hotels ay ang higit na naapektuhan ng krisis. Ang mga registered guests sa unang 9 na buwan ng taon sa Italya ay mas mababa ng halos kalahati o 46% kumpara noong 2019.
Bumagsak din ng 68.6% ang presensya ng mga dayuhang turista sa Italya na noong 2019 ay umabot sa 190 milyon. Apektado din ang mga Art Cities tulad ng Rome at Florence na nagtala ng pagbagsak ng 73.2%. Bumagsak din ang mga pagbibiyahe dahil sa trabaho ng 59% at ang pagbibiyahe dahil sa bakasyon ng 23%.