Tila muling bumabangon na ang turismo sa Italya. Ngunit matapos ang hagupit ng Covid, mabilis naman itong nasundan ng digmaan. Ang inaasahang muling pagsisimula ng turismo at pagdagsa ng mga turista ay muling nakokompromiso dahil sa kasalukuyang digmaan. Muli ay nalalagay ang sektor ng turismo, na halos gumapang na sa dalawang taon ng pandemya, sa isang mas malubhang krisis.
Simula noong nakaraang February 27, ay hinto at walang mga arrivals mula Russia. Samakatwid, sa nalalapit na Pasko ng Pagkabuhay ay patuloy na mararamdaman ang kawalan ng mga turista sa Italya, partikular ng mga mula sa Moscow at iba pang mga lungsod na sakop ng pamumuno ni Putin. Ito ay muling magreresulta sa hindi pagpasok ng malaki-laking halaga sa bansa: sa mga hotels, restaurants at shopping – hatid ng mga itinuturing na top spenders, ang mgs Russian katulad ng mga Americans at Chinese. Mahilig sa mga 5-star hotels, top designer boutiques at fine dining restaurants.
Patuloy na mayayanig ang sektor ng turismo dahil malinaw na walang makakapagsabi kung kailan magtatapos ang digmaan. At ang problema ay ang mga epekto ng mga sanctions laban sa Russia na hahadlang sa mga Russian tourists na magpunta sa Italya, tulad ng pagsasara sa mga flights, kahit commercial o private.
Upang maunawaan ang lawak ng epekto ng kawalan ng mga Russian tourists sa Italya, ay kailangang magbalik-tanaw noong 2019. Ang mga Italian stands ay dinumog sa Mitt Moscow fair at nagbunga ito ng paglago ng sektor ng 4.5 %. Ang Italya ay itinuring na favorite destination ng mga Ruso sa Europa at pumangatlo sa mundo, matapos ang Turkey at Thailand. Sa katunayan, noong 2019 ay umabot sa 1.7 milyong mga Russian tourists ang bumisita sa bansa. Tinatayang may 1 milyon ang turistang Ruso sa Roma ay gumastos ng malaking halaga at nanatili ng higit sa 4 na gabi, doble sa average expenses at stay ng ibang mga turista.
Simula 2020, matapos ang Covid na sinundan ng Sputnik, ang Russian vaccine na hindi kinikilala sa Italya, ang mga top spender ay hindi na nakarating sa Italya at ito ay malalang naramdaman ng bansa. Sa katunayan, ayon sa Confcommercio at Confesercenti, tinatayang aabot sa 150 million euros ang tila bulang nawala sa Roma, sa kawalan ng isang milyong Ruso na karaniwang bumibisita sa eternal city.
Inaasahan na mula sa pagdiriwang ng Orthodox Easter sa April 24, 2022, ay muling magsisimula ang boom sa sektor, na karaniwang umaabot sa 175,000 ang mga guests at pumapalo sa halos 20 milyong euros ang kita. Ito ay karaniwang nagpapatuloy hanggang Autumn taun-taon.
Ngunit hanggang sa ngayon, ang mga hotel bookings ay nananatiling mabagal ang usad sa buong bansa. Ang pangamba ng sektor ay kung magbabalik pa ba ang dating sigla ng turismo sa bansa?