Nagprotesta ang Ukrainian community sa Italya laban sa pagsalakay ng Russia at sa nais na digmaan ni Putin ngayong araw, Huwebes, February 24, 2022.
Sa Roma, ang protesta ay inorganisa ng Euromaidan Rome at Christian Association of Ukrainians sa Italy, sa metro station Castro Pretorio, hindi kalayuan sa embahada ng Russia sa Italya.
Kinokondana ng mga Ukrainians ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine. Pinangunahan ang protesta ng mga Ukrainians na naninirahan sa Roma maraming taon na. Ang mga nagprotesta ay may dalang bandila ng kanilang mahal na bansa. Ang Belarusian at Georgian community ay nakiisa rin sa nabanggit na kilos-protesta.
“Putin hands off Ukraine“, ito ang malakas na isinisigaw ng mga nag-protesta.
“Kapayapaan ang nais namin. Itigil ang digmaan. Ibaba ang mga armas”, ang ilan lamang sa mga slogan.
Samantala, kapansin-pansin ang nakasulat sa placard ng isang Ukrainian.
“Russia, huwag mo akong barilin!”. Aniya, ang kanyang pamilya, kamag-anak at mga kaibigan ay nasa Ukraine, kung saan mula ngayong araw, ay nagsimula ang pag-ulan ng mga bomba. “Ako ay nag-aalala at natatakot sa kanilang sitwasyon doon”, salaysay nito.
“Kami ay nabigla dahil, kahit alam na namin kung ano ang maaaring asahan mula kay Putin, hanggang sa huling sandali ay inaasahan namin na mangingibabaw ang maayos na usapan”, ayon kay Oles Horodetskyy, presidente ng Christian Association of Ukrainians sa Italy. “Ito ay malaking panganib din para sa buong mundo”, dagdag pa nito.
Protesta sa Roma, inorganisa ng PD
Bukod sa nabanggit, may isa pang protesta sa Roma na inorganisa naman ng Partito Democratico (PD), malapit din sa embahada ng Russia sa Roma. Nagsalita sina Enrico Letta, Nicola Zingaretti at Roberto Gualtieri upang ipakita ang kanilang pakikiisa.
“Nasa square kami sa harap ng Russian embassy ngayon para ulitin na hindi katanggap-tanggap ang ginawa ni Putin. Isang hangal na bagay sa paniniwalang mahina ang demokrasya, patunayan natin na ito ay isang pagkakamali”. Ito ang mga pahayag ng kalihim ng Democratic Party na si Enrico Letta sa ginawang rally.
“Ito ay isang malungkot na araw, matinding pagdurusa. Ang tanging napapanood sa mga balita at nakikita sa social media ay mga larawan ng mga tangke, mga gusaling pinasabog at mga biktima nito sa kalye. Mga eksenang ayaw nating makita sa Europa at dahil dito kailangan ang matinding hatol at parusa laban sa Russia”. Ayon sa alkalde ng Roma, Roberto Gualtieri sa harap ng embahada ng Russia.
“Ito ay isang madilim na pahina sa kasaysayan ng mundo,” dagdag ni Zingaretti. “Kaya agaran ang nagkakaisang reaksyon ng Italya, Europa at ng ating mga kaalyado. Mahalaga ang mensahe ng pagkakaisa at isang mahusay na pagkilos upang wakasan ang pagsalakay sa Ukraine.“, pagtatapos ng gobernador ng Lazio region, Nicola Zingaretti
Ngayong gabi, ang Colosseum ay inilawan ng mga kulay ng bandila ng Ukrainian.
Bukas naman ng hapon ay magsasagawa ng fiaccolata sa Roma, sa pangunguna ni Mayor Gualtieri bilang pakikiisa sa mga Ukrainian at pagsusulong sa
kapayapaan sa mundo. Ito ay magsisimula ng 6 ng gabi sa Piazza del Campidoglio kung saan magsisimula ang isang simbolikong paglalakad para sa kapayapaan patungo sa Colosseum.
Ukrainian Community sa Italya, pinakamalaki sa Europa
Ang mga Ukrainians na may regular na permesso di soggiorno sa Italya ay aabot sa 250,000, ngunit tinatayang higit sa 400,000 ang mga Ukrainians na naninirahan sa Italya, kasama ang mga naturalized Italians at mga undocumented. (PGA – photos: UA Diaspora Italia)