Ang pagtaas sa bilang ng mga imigrante sa Italya noong 2015 ay dahil rin sa pagdami ng mga irregulars, higit sa 31,000, na nagpataas din sa bilang ng mga dayuhang walang regular na permit to stay. Narito ang datos ng Ismu Foundation.
Disyembre 5, 2016 – Ayon sa Ismu, ang mga dayuhan sa Italya, hanggang January 1, 2016 ay may bilang na 5.9 milyon, regular at undocumented at ito ay kumakatawan sa 9,5% ng populasyon na tumaas ng 52,000 (0,9%) kumpara noong 2015. Ang pagtaas na ito ay dahil sa pagdami ng mga irregulars, (higit sa 31,000) na nagpataas din sa bilang ng mga dayuhang walang regular na permit to stay, 435,000 kumpara sa tinayang bilang noong 2015 na 404,000.
Ito ang datos buhat sa XXII Migration Report 2016 ng ISMU Foundation (Initiatives and Studies on Multi-ethnicity) at inilunsad sa Milan Italy kamakailan. Kasabay sa ginawang convention ay iginawad ang dalawang ISMU 2016 awards: kay Pajtim Brija, isang Albanian entrepreneur at Black Panthers, isang football team ng mga asylum seekers.
Sa isang komunikasyon na inilabas ng Ismu, ang pagtaas ng populasyon ng mga imigrante ay tila nasa katamtaman. Ngunit kung ikukumpara ito sa bilang ng mga naging naturalized Italians noong 2015, ay matutunghayan ang tunay na reyalidad sa likod ng pagtaas ng bilang. Sa katunayan, noong 2015 ang mga new Italians ay 178,000 (kumpara sa 130,000 noong 2014 at 60,000 noong 2012). Kung sa 52,000 bilang ng mga dayuhan, regular at hindi, ay idadagdag ang 178,000 na imigrante na naging ganap na Italyano, ang pagtaas na nabanggit ay aabot sa 230,000, isang pagtaas ng 3.9%
Samakatuwid, ang datos na ito ay nagpapatunay lamang na mayroong pagtaas sa bilang ngunit hindi naitatala at ito ay nagpapatunay lamang na ang mga imigrante sa Italya ay mas integrated at nagiging mas matatag sa paglipas ng panahon.
Samantala, patuloy din ang pagdami ng mga naga-aplay para sa international protection na tumatawid sa karagatan. Sa huling limang taon ay naitala ang halos tripleng bilang ng mga ito: mula 63,000 noong 2011 sa 154,000 noong 2015. Sa nalalapit na pagtatapos ng taon, isang record na ang naitala: 171,000 na bilang ng mga dumaong sa karagatan mula Enero hanggang Nobyembre 27. Bilang na higit na mataas kumpara noong 2014 – 170,000, na itinuturing na pinakaraming bilang noon.
Bukod dito ay naitala rin ang pagdami ng mga asylum seeker: sa unang 10 buwan ng taong kasalukuyan ay naisumite ang 98,000 application, kumpara sa 84,000 noong 2015. Dumami din ang bilang ng mga unaccompanied minors na higit sa 22,000 kumpara sa 12,360 noong 2015.
Bahagyang bumaba naman kung birth rate ng mga dayuhan ang pag-uusapan: 80,000 noong 2012; 78,000 noong 2013; 75,000 noong 2015. Sa kabila nito, ito ay nananatiling mahalagang kontribusyon sa pagtanda ng kabuuang populasyon kahit pa patuloy na nagiging modelo ng mga dayuhan ang italian society at ang inaasahang rebolusyon sa bilang ng mga isisilang na ikinatatakot ng ilang politiko, ay napatunayang isang maling akala lamang.
Kung trabaho naman ang pag-uusapan ay naitala noong 2015 ang pagtaas ng employment rate ng mga dayuhan (+2,8% noong 2014). Bukod dito makalipas ang ilang taon, sa unang pagkakataon ay naitala ang pagbaba ng unemployment rate ng mga dayuhan sa 456,115 (-9.579 noong 2014). Ang mga imigrante na walang trabaho ay kumakatawan ng 18% ng kabuuang bilang ng mga unemployed.
Ang mga datos ay matatagpuan sa buod ng XXII Migration Report 2016. Available din ang mga slides online ni Vincenzo Cesareo, Ismu Foundation Secretary General at ni monitoring officer na si Gian Carlo Blangiardo.