Ang zona bianca ay itinalaga noong Jan. 13, 2021 ni Health Minister Roberto Speranza. Sa klasipikasyong ito, ay malayang makakalabas ng bahay at magkaroon ng iba’t ibang aktibidad ng walang limitasyon sa oras tulad ng curfew, ngunit kailangang panatilihin ang mga preventive measures tulad ng social distancing, pagsusuot ng mask sa indoor at outdoor at pagpapanatili ng kalinisan.
At posibleng mula zona gialla ay maging zona bianca ang Valle d’Aosta. Ito ay dahil sa loob ng tatlong linggong sunud-sunod ay wala pa sa 50 katao ang mga bagong kaso ng covid19 sa bawat 100,000 residente. Ang mga nasa ospital dahil sa covid19 ay 8 katao at 2 nito ang nasa ICU.
Samakatwid, ito ay nangangahulugan na matatanggal ang lahat ng pagbabawal sa Valle d’Aosta at magbubukas ang lahat tulad ng cinema, theaters, museums, exhibits, gym at mga pools. Bukod dito, ay mawawalan ng bisa ang DPCM na nagpasara sa mga ski resorts hanggang March 5, 2021.
Paalala naman ng presidente ng Valle d’Aosta Erik Lavavez, na ang zona bianca ay pansamantalang pagluluwag lamang dahil ito ay maaaring magtagal lamang ng dalawang linggo. Aniya bagaman nagtala ng pagbaba sa bilang ng mga kaso ng covid19, ang coronavirus ay nananatiling nasa sirkulasyon pa rin at malaki ang posibilidad ng pagkalat nito.
“Kailangan pa rin ng matinding pag-iingat at pagsunod sa mga health protocols na ipinatutupad. Sapat na ang maging masaya tayo sa kasalukuyang bilang dahil may mga rehiyon kung saan malala ang sitwasyon. Ang tunay na normal na buhay ay makakamit lamang sa pagiging epektibo ng mass vaccination”, dagdag na ng president.
Gayunpaman, ang pinal na desisyon ng paglipat sa zona bianca ay nasa kamay ng Health Minister sa pagkakaroon ng sapat na datos at angkop na sitwasyon.