Ilang araw matapos ang lockdown o pagsasailalim sa zona rossa, ay haharapin naman ng Italya ang zona arancione.
Simula bukas, Dec 28, 29, 30 at January 4 ay sasailalim sa zona arancione o partial lockdown ang bansa. Ito ay bago muling magbalik ang mga restriksyon para sa nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon.
Zona Arancione, ang mga pagbabago
Sa mga araw na nabanggit ay malayang makakalabas ng bahay mula 5am hanggang 10pm, ngunit sa loob lamang ng sariling Comune. Hindi kakailanganin ang Autcertificazione ngunit nananatiling hindi pinahihintulutan ang paglabas ng Comune. Ang curfew o coprifuoco ay mananatili mula 10pm hanggang 5am.
Ito ay nangangahulugan rin ng pagbubukas ng ilang commercial activities. Samakatwid, ay mababawasan ang mga restriksyong ipinatupad simula Dec 24 hanggang Dec 27.
Sa mga araw na nasa zona arancione ang mga bars at restaurants ay mananatiling bukas for take out lamang hanggang 10pm. Wala pa ring agahan sa bar o tanghalian sa restaurants ngunit may pahintulot naman ang home deliveries. Kasama dito ang mga pasteccerie at gelaterie.
Samantala, ang shopping ay nagbabalik sa mga araw ng zona arancione. Ngunit upang maiwasan ang assembramenti ay maaaring magkaroon ng magkakaibang oras ng pagbubukas sa publiko. Gayunpaman, mananatiling bukas ang mga shopping centers hanggang 9 pm.
Bukod sa mga shops na nanatiling bukas sa panahon ng zona rossa, ay walang paghihigpit sa mga parrucchiere o barbiere. Magbubukas din ang mga centri estetici.
Ngunit mananatiling sarado ang mga cinema, theaters, museums, at gyms. (PGA)